GMA News Online Ulat Filipino » Balitang Pinoy

Present: Rep. Gloria Arroyo, balik-trabaho na

August 1, 2012 12:02am

Makaraan ng may isang taon na pagliban, nag-report na sa plenaryo ng Kamara de Representantes nitong Martes si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.

Nakasuot ng puting blouse, mahabang skirt at neck brace, dumating si Arroyo sa bulwagan ng Kamara habang tinatalakay ng mga mambabatas ang kontrobersiyal na Reproductive Health (RH) bill o responsible parenthood.

Huling pagdalo ni Arroyo sa sesyon ng Kamara ay noong July 2011 sa pagbubukas ng 2nd regular session ng 15th Congress. Hindi na ito nakadalo sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III dahil dinala na siya sa ospital bunga ng pananakit ng likod.

Tuluyan na siyang hindi nakadalo sa mga aktibidad ng Kongreso nang makasuhan siya ng electoral sabotage at ma-hospital arrest noong Nobyembre 2011.

Nakalaya lamang si Gng Arroyo noong nakaraang linggo nang payagan siya ng korte na makapagpiyansa ng P1 milyon sa kasong electoral sabotage.

Kasabay ni Arroyo na dumating sa plenaryo ng Kamara ang kanyang anak na si Ang Galing party-list Rep. Juan Miguel "Mikey" Arroyo.

Binati siya ng mga kongresistang kaanib ng minorya at maging ng mga nasa mayorya.

Sa ambush interview, sinabi ni Gng Arroyo na nais niyang makibahagi sa deliberasyon ng RH bill na dedesisyon kung itutuloy o hindi na ang debate sa susunod na linggo.

Pork Barrel

Samantala, sinabi ni Speaker Feliciano Belmonte na dapat magpasalamat ang minorya sa Kamara dahil iilan lamang sa kanila ang hindi nabigyan ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) o mas kilala sa tawag na pork barrel.

Kamakailan lang ay inamin ni Budget Secretary Feliciano Belmonte na hindi pa rin makakakuha ng PDAF sa 2013 ang ilang kasapi ng oposisyon sa Kamara.

Gayunman, tuloy naman umano ang pagkakaloob ng pondo na diretso sa mga distrito partikular ang mga proyekto para sa empraestruktura.

“At least hindi wholesale as the norm in this chamber before. Masama pa ba ang 99 percent batting average?" pahayag ni Belmonte tungkol sa sistema umano noong panahon ng administrasyong Arroyo.

Sa may 21 kasapi ng minorya, ang mga hindi nakatanggap ng PDAF ay sina Rep. Mike Arroyo; Camarines Sur Rep. Diosdado Arroyo; Zambales Rep. Milagros Magsaysay; at Iloilo Rep. Augusto“Buboy" Syjuco. - RP/FRJ, GMA News




We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus
advertisement
advertisement
advertisement