Pagpatutupad sa price freeze order sa mga lugar na nasa state of calamity, binabantayan
Nagpakalat na ang Department of Trade and Industry ng mga grupo sa mga lugar na isinailalim sa state of calamity upang bantayan ang pagpatutupad ng "automatic price freeze" order para sa pangunahing mga bilihin. Ilang mga lugar din ang isinailalim sa state of calamity matapos masalanta ng mga pagbaha na dulot ng bagyong Gener. Binalaan ni DTI Undersecretary Zenaida Maglaya ang mga negosyante sa mga apektadong lugar laban sa pagtaas ng presyo ng kanilang mga produkto. "'Pag ang lugar under a state of calamity, may automatic price control. Kung ano ang presyo ng pangunahing bilihin bago ang bagyo, dapat 'di ito gumagalaw," pahayag ni Maglaya sa panayam ng dzBB radio. Isinailalim sa state of calamity ang ilang mga lugar sa Laguna at Cavite na apektado ng malalakas ng pag-ulan. Dagdag pa ni Maglaya, may ilang lugar din sa Camiguin Island na dumanas din ng kalamidad. Ayon kay Maglaya, nakatalaga ang DTI teams upang siguruhin din ang supply ng mga pangunahing bilihin. Ayon sa kanya, dapat umanong sapat ang inventory levels. Samantala, aminado siya na hindi umano kasama sa listahan ng mga pangunahing bilihin ang liquefied petroleum gas at mga produkto ng langis. "Pero siyempre 'pag may pagsasamantala maaring habulin ng Department of Energy ang sinumang nagsasamantala," aniya. Presyo ng sardinas Pinaalalahanan naman ng DTI ang mga manufacturer ng sardinas na agad nang bawasan ang presyo ng kanilang mga produkto. Ayon kay Maglaya, dapat umanong bumaba ng P12.80 ang bawat lata, at P14 na ang pinakamataas, simula Agosto 1. "'Yan ang pinag-usapan nang nag-meeting ang National Price Council. 'Yan ang instruction ni Trade Secretary Gregory Domingo sa gumagawa ng sardinas," ayon kay Maglaya. Ibinatay ang ang utos sa pagbaba ng presyo ng sardinas sa ulat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na nagsasabing bumaba na ang presyo ng sardine fish. Ayon kay Maglaya, kinakailangan umanong magpaliwanag ng mga negosyante na hindi pa nagbababa ng presyo ng paninda nilang sardinas. "Effective August 1 'yan... so ating pasabi sa manufacturer 'pag mapag-alamang mataas ang presyo nila dapat nakahanda silang magpaliwanag," aniya. — Mandy Fernandez /LBG, GMA News