Mga residente sa Malabon at Navotas nagsilikas na dahil sa baha
Nagsilikas na umaga ng Miyerkules ang mga residente sa Malabon at Navotas na nanirahan malapit sa umaapaw na Tullahan River ng Malabon, Metro Manila. Ayon sa mga residente na nakapanayam ni Allan Gatus ng dzBB, hindi karaniwan ang pagtaas ng tubig sa Tullahan River. Nababahala na rin ang mga residente dahil posibleng tumaas pa ang tubig sa ilog bandang alas-9 ng umaga dahil sa inaasahang "high-tide" na aabot sa 2.2 meters. Maliban sa malakas na hagupit ng hangin, umapaw na ang ilog dahil sa malakas na ulan. May mga bahay na halos kalahati na nalubog sa tubig malapit sa boundary ng Malabon at Navotas. Ayon kay Bong Padua, Information Officer ng Malabon City office, nag sand-bagging na ang mga kawani ng engineering department para mapigilan ang pag-apaw pa ng tubig mula sa ilog. Nanawagan na rin ang lokal na pamahalaan ng Malabon sa Office of Civil Defense (OCD) ng tulong kung saan kailangan ng lokal naa pamahalaan ang 6 x 6 trucks para mailikas ang iba pang mga residente. Sa panayam ni Mike Enriquez ng DZBB kay National Disaster Risks Reduction Management Council (NDRRMC) Executive Director Benito Ramos, sinabi ng opisyal na "on the way" na sa Malabon ang mga rescuer ng Metro Manila Development Authority (MMDA) maliban pa sa mga tauhan na mangagaling sa OCD. — LBG, GMA News