GMA News Online Ulat Filipino » Iloilo

Bata ang 2 biktima: 4 na bangkay, nakita sa isang bahay sa Capiz

August 1, 2012 6:29pm

Apat na bangkay na nilaslas ang leeg ang natagpuan sa isang bahay sa Dumalag, Capiz nitong Martes, batay sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV.

Ayon kay GMA-Iloilo News reporter Nenita Hobilla, dalawa sa mga biktima ay batang magkapatid  na may edad tatlo at apat. Patay din ang ina ng mga bata, at isang 70-anyos na lola.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na ang ina ng mga bata ang nag-aalaga sa pinaslang na lola, na may-ari ng bahay kung saan natagpuan ang kanilang mga labi.

Ayon kay Police Senior Inspector Nino Leonar, may nakitang hawak na patalim ang ina na posibleng ginamit sa krimen.



Posible umanong kaso ng pagpapatiwakal ang nangyari dahil may nakita ring suicide note na hinihinalang isinulat ng ina bago nito patayin ang kanyang dalawang anak, ang inaalagaang matanda, at ang sarili.

Sinabi ni Leonar na nakasaad sa suicide note ang sintemyento ng ina tungkol sa mga problemang pansarili at sa kanyang pamilya.

Gayunman, isasailalim pa rin sa awtopsiya ang mga bangkay bilang bahagi ng isinasagawang imbestigasyon.

Tumanggi naman muna ang mga kamag-anak ng lola na magsalita tungkol sa nangyaring krimen. - FRJ, GMA News




We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus
advertisement

Talk of the web

advertisement
advertisement