GMA News Online Ulat Filipino » Balitang Pinoy » RH Bill

Rep. Gloria Arroyo, umamin noon na gumamit ng contraceptive pills -- Lagman

August 2, 2012 11:16pm
Naniniwala si Albay Rep. Edcel Lagman na si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo ang dahilan kaya umatras ng suporta ang ilang miyembro ng minorya sa isinusulong niyang Reproductive Health (RH) bill.

Sa kabila ng pagbawi ng suporta sa RH bill ng ilang kongresista, tiwala si Lagman na mananaig ng mga mambabatas na pabor sa kontrobersiyal na panukalang batas sa gagawing botohan sa Kamara de Representantes sa susunod na linggo.

Kabilang sa mga bumawi ng suporta sa RH bill ay si House Minority Leader Rep. Danilo Suarez, na matagal na umanong nagtataguyod sa panukalang batas mula pa noong 13th Congress.

Nitong Miyerkules, kinumpirma ni Suarez na siya at lima pa niyang kasama sa minorya ang umaatras na bilang co-author ng RH bill. Nangyari ito nang dumalo si Arroyo sa sesyon ng Kongreso nitong Martes matapos na payagan ng korte na magpiyansa at pansamantalang makalaya sa pagkaka-hospital arrest.

Reklamo ni Lagman, hindi lubos na ipinapaliwanag ni Arroyo ang kanyang dahilan sa pagtutol sa RH bill maliban sa katwiran na taliwas ito sa kanyang paniniwala bilang Katoliko.

Mahigpit na tinututulan ng Simbahang Katoliko ang RH bill kung saan itinataguyod ang paggamit ng mga artipisyal na paraan ng pagpaplano ng pamilya, tulad ng paggamit ng contraceptive pills at condom.

“Arroyo’s rejection of the RH bill is a departure from her admission that she used contraceptive pills when she was a young mother, presumably to limit the number of her children and for birth spacing," nakasaad sa pahayag ni Lagman nitong Huwebes.

“She made this candid admission in March 2003 at a luncheon with pro-family planning legislators in Malacanang," dagdag ng kongresista.

Si Gng Arroyo at mister na si dating First Gentleman Jose Miguel "Mike" Arroyo ay mayroong tatlong anak -- sina Ang Galing Pinoy Party-list Rep. Juan Miguel "Mikey" Arroyo; Camarines Sur Rep. Diosdado "Dato" Arroyo; at Evangelina Lourdes "Luli" Arroyo.

Ayon pa kay Lagman, ang pagtutol ni Arroyo sa RH bill ay pag-aalis sa karapatan ng ibang kababaihan na mabigyan din ng pagkakataon na maiplano ang pagbubuntis sa pamamagitan ng paggamit ng mga non-abortive contraceptives.

Bukod kay Suarez, umatras din ng suporta sa RH bill sina Reps. Elmer Panotes (Camarines Norte), Orlando Fua (Siquijor), Mohammed Huessein Pangandaman (Lanao del Sur), partylist Reps Nasser Pangandaman (AA Kasosyo), Catalina Bagasina (Association of Laborers and Employees) at Rep. Pastor Alcover (ANAD).

Hindi para sa abortion

Nais din ni Sen. Panfilo Lacson na pagbotohan na ng Senado sa susunod na linggo ang RH bill sa kabila ng pagpapakita ng pagtutol sa panukala nina Senate President Juan Ponce Enrile at Senate Majority Floor Leader Vicente Sotto III.

Paniwala ni Lacson, maipapasa nila sa Senado ang panukalang batas na isinusulong sa Senado ni Sen.Pia Cayetano.

"Sa aking tingin, sa pag-uusap sa kapwa senador, sa tingin ko ipapasa ito. It’s about time dalhin ito sa floor para sa botohan," pahayag ni Lacson, na sumusuporta sa RH bill.

"Meron akong alam na ang iba nasa gitna, gusto pa rin nila makita ano ang sentiment ng majority, sasama sila. Pero sa tingin ko sa ngayon may majority na sumusuporta na papasa," dagdag pa niya.

Gayunman, aminado siyang malaking balakid sa panukala ang pagtutol dito nina Enrile at Sotto.

"’Yan talaga ang pinakamalaking obstacle kay Sen. Pia para hindi maipasa-pasa ito. Naawa ako sa kanya, kay tagal ng panahon, I think she has answered enough questions and issues pertaining to this bill," ayon kay Lacson.

Nanawagan din ang senador sa Simbahang Katoliko na huwag magkalat ng maling impormasyon sa publiko tungkol sa panukalang batas.

Iginiit niya na hindi isinusulong sa panukala ang abortion gaya umano ng ikinakalat ng mga kumokontra sa RH bill.

"Tama lang na kanya-kanyang advocacy, kanya-kanyang suporta, kanya-kanyang pagbibigay ng (position) nila. Ang hindi ko lang gusto binibigay ng simbahan ang disinformation lalo sa pulpito," pahayag ng mambabatas.

"Alam naman nating lahat na hindi. Nananatiling illegal ang abortion. Sa period of amendments e in-introduce ko (ang) amendment (para) dagdagan pa ang penalty sa abortion at mga related activities," diin ni Lacson. — RP/FRJ, GMA News



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus
advertisement

Talk of the web

advertisement
advertisement