Pagbaha sa Pangasinan, ibinabala ng PDRRMC
Nagbabala ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) sa mga residente ng Pangasinan na maging alerto sa posibleng matinding pagbaha dulot ng malakas na buhos ng ulan. “Ang gusto naming malaman ng mga Pangasinense, be ready for the worst na pwedeng mangyaring ulan sa Pangasinan, Benguet, at La Union," ayon kay Rafael Baraan, provincial administrator ng Pangasinan. Ang babala ay ginawa matapos maitala na umabot na sa tatlong talampakan ang taas ng bahang nararanasan sa ilang mabababang lugar sa Pangasinan gaya ng Calasiao at Dagupan city. Nakaalerto ang PDRRMC at CDRRMC sakaling magpatuloy pa ang malakas na ulan hanggang Miyerkules at lumalala pa ang pagbaha. Nagpulong na rin ang iba’t-ibang ahensya makaraang makatanggap ng kautusan mula sa NDRRMC at kay Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo. “Iyong mga affected, ilikas na ngayong hapon at huwag nang antayin pa ang pagtaas ng tubig bukas,"ayon kay Baraan. Sa Dagupan city, 18 barangay ang binaha at patuloy na minomonitor ng CDRRMC. Karamihan sa mga barangay na ito ay malapit sa ilog at dagat. Nasa higit sa spilling level pa rin ang tubig sa San Roque dam at nakabukas na ang dalawang gate nito. Inalerto na ang 17 bayan na dinadaluyan ng pinapakawalang tubig sa dam na dadaan sa Agno river. Paliwanag naman ng PDRRMC, apektado ang Pangasinan sa pag-ulan na nararanasan sa Benguet dahil ang tubig na babagsak mula sa Mt. Ampucao ay dumadaloy naman sa Bued-Cayanga river sa San Fabian hanggang Manaoag. Bukod pa rito ang pagdaloy sa Sinucalan river mula Binalonan hanggang Dagupan city. Ang tubig dito ay nasa 6.22 meters na at malapit nang umabot sa critical level na 6.5 meters. -- JFarcellana/GLCalicdan/FRJ, GMA News