ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

13 senador, dumalo sa sesyon ng Senado kahit umuulan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Kahit lubog sa baha ang maraming lugar sa Metro Manila, nagpatawag pa rin ng sesyon ang liderato ng Senado nitong Miyerkules kung saan 13 sa 23 senador ang dumalo. Gayunman, napilitan din si Senate President Juan Ponce Enrile na kaagad kanselahin ang sesyon matapos makapag-roll call nitong hapon upang mapauwi na ang mga empleyado. Paliwanag ng lider ng Senado, nagpatawag siya ng sesyon para aksyunan ang mga nakabinbing panukala sa Senado na kailangan ng bansa. Bukod dito, nais din umano niyang maipakita sa publiko na kumilos sila alinsunod sa kanilang tungkulin sakabila ng kalamidad. “We have attend to pending matters that we have, we should show to the people that despite adversity and calamity, we as leader, we have to go through the floods in order to serve," ayon kay Enrile. Bukod kay Enrile, dumalo rin sa sesyon sina Sens Joker Arroyo, Francis Escudero, Franklin Drilon, Gregorio Honasan, Panfilo Lacson, Jinggoy Estrada, Vicente Sotto III, Lito Lapid, Loren Legarda, Ramon Revilla Jr., Sergio Osmena III at Antonio Trillanes IV. Una rito, kinansela ng Senado ang dalawang pagdinig ng komite, partikular ang deliberasyon ng P2 trilyong 2013 national budget ng Development Budget Coordinating Council (DBCC) at Senate committee on trade and commerce hinggil sa pagtaas ng bilang ng fraudulent electronic transactions. RH Bill Samantala, inihayag ni Sotto na hindi siya tutol sa pag-apruba ng kontrobersiyal na reproductive health (RH) bill sa kondisyon na aalisin dito ang mga probisyon na hindi kapaki-pakinabang sa bansa. "Kami naman madaling kausap, alisin lang nila yung sa tingin namin masama, lahat ng gusto nilang gawin dun di naman kami kumokontra dun," paliwanag ng senador. Kabilang sa probisyon na tinukoy ni Sotto ay katagang nagsasaad na ang contraceptives ay "essential medicine; which provide ‘backdoor channeling’ for abortion; and which require unreasonable population control." "Nangingiti na lang nga ako sa sama ng ugali ng mga itong mga kababayan natin na nagsusulat ng mga kung anu-ano, para bang hindi nila iniintindi na pinalalabas na kami pa ang hindi nakakaintindi," ayon kay Sotto. "Sila hindi nakakaintindi na hindi kami kontra sa gustong gawin nung responsible parenthood at dun sa tulong na gustong ibigay sa mga kababaihan sa mga kabataan. Kami pa nga nangunguna, pinangangalaagaan nga namin yun kaya kami kumokontra sa mga probisyon na galing sa ibang bansa na sinasaksak dito sa bansa natin. Yun ang ayaw namin," pagdiin niya. Nakatakdang ilatag ni Sotto sa plenaryo ng Senado sa Lunes ang kanyang “Turno En Contra" tungkol sa pagtutol niya sa RH bill. Nangako si Sotto na ibibisto niya kung sino ang mga grupo na nasa likod ng RH bill. -- ER/FRJ, GMA News

Tags: flooding, ondoys