ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

168 paaralan, pinagsisilungan ng mahigit 14,000 pamilyang biktima ng pagbaha


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Umabot sa 168 paaralan mula sa tatlong rehiyon sa Luzon ang ginagamit na evacuation centers ng may 14,489 pamilya na naapektuhan ng matinding pagbaha dulot ng walang tigil na pagbuhos ng ulan. Sa pahayag na ipinalabas ng Department of Education (DepEd) nitong Miyerkules ng umaga, sinabing umabot sa 115 paaralan ang ginagamit na silungan ng 9,741 pamilya sa National Capital Region (NCR). Sa Central Luzon (Rehiyon III), umabot ng 36 paaralan ang nagbibigay ng pansamantalang tirahan sa 2,568 pamilya. Sa CALABARZON (Rehiyon IV-A) naman, tumanggap 2,180 pamilya ang 17 paaralan sa naturang rehiyon. “We need to make sure that we have enough supplies to provide for the needs of evacuees under our care," ayon kay DepEd Secretary Armin Luistro. Inaayos na umano ng DepEd ang plano upang masiguro na hindi maaabala ang klase ng mga estudyante sa mga paaralang ginamit bilang evacuation center. Maglalabas din ng impormasyon ang DepEd sa magiging make-up classes bunga ng ilang araw na pagkakansela ng pasok dahil sa pag-ulan at baha. Inihayag naman ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) nitong Martes na mahigit 800,000 Pilipino ang nawalan ng tirahan o naapektuhan ng matinding pagbaha dulot ng walang tigil na pag-ulan. Inatasan na rin ni Luistro ang Schools Division Superintendent ng DepEd-NCR na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan (LGUs) at City Social Welfare and Development Offices sa kanilang kaniya-kaniyang mga lugar. "Let us work hand in hand with our city and barangay officials to ensure that urgent needs are provided given the current situation," ayon sa kalihim. - Amanda Fernandez/ FRJ, GMA News

Tags: flooding, ondoys