ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

SAF commando nakahanda na sakaling lumala ang baha sa Marikina


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nakahanda na ang elite Special Action Force (SAF) commando na sumaklolo sa mga residente ng Marikina City sakaling lumala pa ang baha sa lugar dala ng pagtaas lebel ng tubig sa Marikina River. Ayon sa report ni Glenn Juego ng dzBB, ang SAF commando ay kasalukuyang nasa command post ng Rescue 161 ng Marikina City. Ang tropa ay dumating sa Marikina madaling araw ng Huwebes at nakikipagtulongan na rin sa volunteers ng Rescue 161. Mataas pa rin ang lebel ng tubig sa Marikina River, pero bahagya na itong humuhupa matapos itong umapaw noong Miyerkules dahil sa pagragasa ng tubig mula sa bulubunduking bahagi ng bayan ng Montalban, Rizal. Samantala, sa report naman ni Paolo Santos sa dzBB, tanggap na umano ng mga residente ng Provident Village na kailangan nilang iwan ang kanilang mga bahay sa gitna ng pagtaas ng tubig-baha sa kanilang lugar. Matatandaang sa mga nakaraang araw, nagmatigas ang karamihan sa mga residente ng Provident village at ayaw lumikas. Sa entrance area ng subdivision, nakatayo na ang isang tent kung saan naroon ang mga opisyales ng barangay at ng homeowners association at patuloy na nagsasagawa ng head count sa mga residenteng nagsilikas. Nasa entrance gate rin ng subdivision ang 10 rubber boats na nakahandang gamitin ng mga rescuer kung sakaling may nangangailangan. Matatandaan na isa ang Provident Village sa mga lugar na labis na nasalanta ng baha dala ng bagyong Ondoy noong 2009. Pasado alas-7 ng umaga nitong Huwebes, ipinapaputol na ng mga pulis sa Marikina City ang kuryente sa mga barangay ng Malanday, Tumana at Nangka para maiwasan na makuryente ang mga naiwang mga residente. — LBG, GMA News