GMA News Online Ulat Filipino » Davao

Sundalo, nagpatay-patayan para makaligtas sa mga hinihinalang NPA

August 9, 2012 6:14pm
Sugatan ang isang sundalo na makatakas sa mga hinihinalang miyembro ng New People's Army (NPA) na dumukot sa kanya habang kasama ang nobya sa lungsod ng Davao.

Sa report mula sa 10th Infantry Division ng Philippine Army nitong Huwebes, kinilala ang sundalo na si Private First Class John Oliver Ayuman, 24-anyos, miyembro ng 10th Coy Special Forces Regiment.

Ayon kay Lt .Col. Gabriel Viray, commander ng 84th Infantry Batallion, nangyari ang pagdukot kay Ayuman sa Sitio Quiabaton, barangay Dominga, Calinan, Davao City, nitong Martes ng gabi.

Kasama umano ng sundalo ang kanyang nobya nang bihagin ito ng mga armadong lalaki.

Nitong Miyerkules ng madaling-araw, nakitang sugatan si Ayuman hindi kalayuan sa bahay ng kanyang nobya. May mga tama ito ng bala ng baril sa kamay, kaliwang tuhod at batok.

Ayon kay Viray, nakaligtas si Ayuman dahil nagkunwari itong patay.

“According to his girlfriend, whose name is withheld for security reasons, Ayuman was waiting for her in her house. When she came, she saw Ayuman standing with tied hands and was guarded by three unidentified armed men. They were held inside for hours and were forced to admit that her beau is a soldier," nakasaad sa ulat ng militar.

Pumasok din umano ang mga hinihinalang rebelde sa bahay at naghanap ng magagamit na katibayan na sundalo ang kanilang bihag.

Nagpapagaling na sa ospital ang sundalo habang nagsagawa naman ng operasyon ang militar para tugisin ang mga hinihinalang rebelde. – MM/FRJ, GMA News