GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

6 na taong termino ng mga barangay official, iminungkahi sa Senado

August 9, 2012 6:40pm
Isang panukalang batas ang inihain sa Senado na naglalayong gawing anim na taon ang termino ng mga opisyal ng barangay mula sa kasalukuyang tatlong taon.

Sa Senate Bill No. 3242 na inihain ni Sen. Ramon “Bong" Revilla Jr., nais din niyang ipagpaliban ang nakatakdang halalan sa Oktubre 2013 at isabay na lamang sa 2016 presidential elections.

Kapag naging ganap na batas, maging ang termino ng mga opisyal ng Sangguniang Kabataan (SK) ay papalawigan din ng anim na taon.

“There shall be no Barangay and Sangguniang Kabataan elections on October 2013. In lieu of this, the next synchronized Barangay and Sangguniang Kabataan elections shall be held on the second Monday of May 2016, synchronized with the national elections, and every six years thereafter," nakasaad sa panukala ni Revilla.

Inaamendahan ng panukalang batas ni Revilla ang Republic Act Nos. 9340 at 9164 na nagtatakda na ang halalang barangay ay isagawa sa Oktubre 2013.

Gayunman, sa halip na tatlong ulit na maaaring kumandidato ang isang barangay official sa katulad na posisyon (na kabuuang siyam na taon), gagawin na lamang itong dalawa beses o may habang 12 taon sa puwesto sakaling muling manalo ang kandidato.

“No barangay elective official shall serve for more than two (2) consecutive terms in the same position: Provided, however, That the term of office shall be reckoned from the 1994 barangay elections. Voluntary renunciation of Office for any length of time shall not be considered as such," paliwanag ni Revilla.

Ipinaliwanag ng mambabatas na lubhang maigsi ang tig-tatlong taon na termino ng mga opisyal ng barangay para maisakatuparan nito ang kanyang mga programa.

“Their term of office of three years is too short a time for the unity and stability in barangay leadership and affairs. This bill, thus, proposes for the extension of the term of office of Barangay and Sangguniang Kabataan officials to six years just like the term of national officials," ayon sa senador.

Una rito, may mungkahi ang National League of Barangays na magpasa ng batas ang Kongreso na panatilihin ang three consecutive terms ng mga opisyal pero gawin limang taon ang bawat termino o kabuuang 15 taon. -- ER/FRJ, GMA News
Go to comments



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus
advertisement
advertisement
advertisement