ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pagsama ng ilang pulitiko sa relief ops ni PNoy, pinuna


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Umani ng kritismo ang pagsama ng ilang pulitikong posibleng tumakbong senador sa 2013 elections sa isinasagawang relief operation ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III sa mga sinalanta ng pagbaha. “Do not take advantage to the situation para lang ma-propagate ang iyong personal political agenda," pahayag sa Radyo Veritas ni Fr. Marlon Lacal, chairperson ng Association of Major Religious Superior of the Philippines for Men. Ilan sa mga kasama ni Aquino sa pag-iikot sa mga evacuation center mula nitong Huwebes ay sina dating Akbayan party-list Rep Risa Hontiveros, Aurora Rep. Juan Edgardo "Sonny" Angara, Bureau of Customs (BOC) chief Ruffy Biazon, Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) director general Joel Villanueva. Sa isang text message, sinabi ni Biazon na tanging sa Muntinlupa lang siya sumama sa relief operation ni Aquino dahil distrito ito ng kanyang ama na si Rep. Rodolfo Biazon. “Kahapon lang ako kasama dahil distrito namin ang Muntinlupa at marami ring nabiktima ng baha dito na nangangailangan ng tulong," ayon sa nakababatang Biazon. Idinagdag ng pinuno ng BOC na walang masama sa pagsama sa relief operation dahil sa laki ng pinsala ng kalamidad ay kailangan ang tulong ng lahat. Pero ayon kay Lacal, hindi dapat samantalahin at gamitin ng mga pulitiko ang trahedyang dinanas ng mga kababayan para lamang makakuha ng atensiyon ng media. Nakiusap siya kay Aquino na unahin ang kapakanan ng mga tao bago ang political agenda ng mga kaalyado nito na walang kinalaman sa isinasagawang relief operation. “Sana yung dinala niya yung major Cabinet member niya na may obligation to respond to the people at may alam sa problema sa baha ng bansa," dagdag ni Fr. Lacal. Sa hiwalay na pahayag, tinawag naman ng grupong Anakbayan na maagang pamumulitika ang ginagawa ng ilang pulitikong kaalyado ni Aquino. "We understand if they want to win the 2013 elections. But please, not at the expense of our fellow Filipinos still reeling from the effects of the floods," ayon kay Vencer Crisostomo, national chairperson of Anakbayan. Idinagdag ni Crisostomo na maaari namang tumulong ang mga pulitiko nang walang atensiyon ng media kung talagang nanaisin nila gaya nang ginagawa ng libu-libong sibilyang volunteers sa mga relief operation center sa buong bansa. Magkahalo naman ang reaksiyon ng mga tinatawag na "Netizen" sa naturang pagsama sa relief operation ni Aquino ng mga pulitkong binansagang "epal." Sa kabila ng mga kritisismo, sinabi ni Angara na hindi siya nagsisisi sa pagtulong sa mga nasalanta ng kalamidad at iginiit na hindi sila nangangampanya. “Okey lang ‘yan (kritisismo). Basta ang importante nakatulong tayo kaysa wala tayong ginawa," pahayag niya. -- MP/FRJ, GMA News