GMA News Online Ulat Filipino » Balitang Pinoy

DSWD: Pagbibigay tulong sa mga naipit sa gulo sa Maguindanao, pahirapan

August 11, 2012 12:57pm

AFP, BIFM clashes continue in Maguindanao
AFP, BIFM clashes continue in Maguindanao. An Armored Personnel Carrier blocks the main road in Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao on the fourth day of clashes between the military and the Bangsamoro Islamic Freedom Movement. Travelers bound for Cotabato City are prevented from using this road. Amiel Mark Cagayan
Nahihirapan ang mga social worker sa pag-abot ng tulong sa ilang mga sibilyan na naiipit sa ilang araw nang bakbakan ng militar at ng mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa iba't ibang bayan sa Maguindanao.

Ito'y ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Dingky Soliman sa panayam sa dzBB.

Mahirap umano maabot ng social workers na "naipit sa bakbakan" ang mga apektadong mga mamamayan na nasa iba't ibang evacuation centers, pahayag ni Soliman.

Dagdag pa niya, patuloy na dumarami ang mga nagpuntahan sa evacuation centers. "Marami ang lumikas. Natakot sila na maipit sa crossfire.Tumakbo sila sa centers."

Pero wala siyang naibigay na eksaktong bilang ng mga nagsilikas.

Ayon din sa kanya, ilang araw na ring nagbibigay ng tulong ang mga kawani ng DSWD-Autonomous Region in Muslim-Mindanao (ARMM) saa mga evacuees.

Batay sa talaan ng National Disaster Risks Reduction and Management Council (NDRRMC), may 11 na evacuation centers sa buong probinsiya na nakapagtala na ng aabot sa 25,560 evacuees mula sa 5,130 na pamilya noong Huwebes ng umaga.

Matatandaang sumiklab ang kaguluhan sa Maguindanao nang halos sabay-sabay na umatake ang puwersa ng BIFF sa mga detachments ng militar sa 11 na bayan doon.

Umabot sa 22 na bahay ang sinunog ng mga rebelde.

Nasa walo na rin ang bilang ng mga namatay sa patuloy na bakbakan, kung saan apat sa mga namatay ay mga sundalo at apat naman sa hanay ng BIFF.

Ang BIFF ay itinatag ni Ameril Umbra Kato matapos siyang tumiwalag sa Moro Islamic Liberation Front (MILF), na kasalukuyang nakikipag-usap sa gobyerno hanggil sa kapayapaan sa Mindanao. — LBG, GMA News



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus
advertisement

Talk of the web

advertisement
advertisement