ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

NDRRMC: Bilang ng namatay dahil sa epekto ng habagat, 85 na


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Umakyat na sa 85 ang bilang ng mga namatay dahil sa epekto ng malakas na ulan dala ng hagupit ng habagat noong nakaraang linggo. Sa kabuuang bilang ng mga nasawi, 62 ang mga kaso ng pagkalunod na nagyari sa iba't ibang bahagi ng Metro Manila at sa mga karatig-probinsiya sa Luzon. Pinaghahanap pa rin ang walong iba pa na nawawala. Ayon din sa 5 a.m. update ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), dalawa sa mga namatay ay  tinamaan ng kidlat noong Biyernes sa karagatan ng Sto Tomas, La Union, lulan ng isang banka habang papauwi na sana sila sa kanilang bahay. Kinilala ng NDRRMC ang mga namatay na sina Joana Lago, 21-anyos at Jessica Lago, 19-anyos. Maliban sa mga nalunod at natamaan ng kidlat, tatlo sa mga namatay ay nakuryente, tatlo  ang inatake sa sakit sa puso, dalawa ang nabagsakan ng mga puno at ang isang biktima ay hindi agad nalaman ang sanhi ng kanyang pagkamaty. Ayon sa NDRRMC, nasa 62,846 na rin ang na-rescue sa ibat-ibang lugar. Apektado ng malalakas na pag-ulan na nagbunsod ng malawakang pagbaha ang 679,057 na pamilya o 3,067,500 na mga tao sa 2,306 na mga barangay sa 167 na lungsod at 36 mga siyudad sa 16 na probinsiya, ayon sa NDRRMC. Kahit marami nang evacuees ang nagsiuwian na sa kani-kanilang mga tahanan, may mga naiwan pa ring 430,125 na tao mula sa 92,093 na pamilya sa 948 na evacuation centers. "There has been a minor increase in the total number of families affected while there is a significant decrease of evacuation centers as evacuees are expected to return to their homes as the damaging effects of heavy rains subside," ayon sa NDRRMC. — MM /LBG, GMA News