ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Rep. Tupas, umaming nais niyang isama sa JBC shortlist si De Lima


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Kung papipiliin si Iloilo Rep. Niel Tupas, Jr., nais niyang mapasama si Justice Secretary Leila De Lima sa shortlist na ipinadala ng Judicial and Bar Council kay Pangulong Benigno Aquino III nitong Lunes na pagpipilian ng susunod na punong mahistrado ng Korte Suprema. "Disqualified si Sec. De Lima at the last minute eh. We decided to disqualify her dahil nga sa pending cases, at yung pending motion naman to suspend the rules, which is actually the only way na makapasok si Sec. De Lima, ay di nakakuha ng sapat na boto rin sa mga miyembro kaya di na rin pinagbotohan yun," kanyang inihayag sa panayam ng News to Go sa GMA News TV nitong Martes. Aminado si Tupas na nais niyang mapasama sa listahan si De Lima, ngunit iginiit niyang ang shortlist—na kinabibilangan nina Supreme Court justices Antonio Carpio, Roberto Abad, Arturo Brion, Teresita Leonardo De Castro at Maria Lourdes Sereno; Solicitor General Francis Jardeleza, dating Ateneo Law School Dean Cesar Villanueva at dating mambabatas Ronaldo Zamora—ay pinal na. "Final na yan, dahil under the Constitution, si Pangulong Aquino, pipili siya dun lang sa walo na nasa listahan na binigay na namin sa kaniya kahapon," ani Tupas. Ayon kay Tupas, may pagkakataon umano noong nakaraan na ibinalik ng isang pangulo ang shortlist sapagkat hindi ito nagustuhan. "Nangyari na 'yon, pero sa panahong nangyari 'yon dati, nanindigan 'yong JBC dahil sa constitutional provision na 'yong nomination process, nasa kamay ng JBC," aniya. Sa kabila nito, naniniwala siyang aayon ang Pangulo sa ipinasa nilang shortlist. "Tingin ko naman may wide attitude naman diyan si Pangulo sa walong pangalan na isinubmit ng JBC, dahil qualified naman yung walo," aniya. Nagsimula ang paghahanap ng sunod na punong mahistrado matapos ang impeachment at pagtatanggal sa pwesto ni dating CJ Renato Corona dahil sa betrayal of public trust at culpable violation sa Konstitusyon. Ayon kay Tupas, ikinagulat niya ng umabot ng walo ang mga pangalang naisama sa pinal na listahan. "Nasa isip namin mga five, usually five, six, marami na yun," aniya. Ipinaliwanag niya ang proseso sa pagboto. "Binigyan kami ng eight votes each. Nagulat din kami na medyo marami yung nakakakuha. Siguro concentrated yung boto ng most of the JBC dun sa iilang mga kandidato na qualified," aniya. Ayon kay Tupas, nahirapan ang JBC panel na gawing pinal ang listahan, ngunit iginiit niyang lubos na naging transparent ang proseso. "Isa sa mga pinamahirap pero pinaka-transparent. Kasama natin ang public. For the first time, covered ng media," dagdag niya. - Amanda Fernandez/BM, GMA News