Pangasinan, naghanda rin sa epekto ng bagyong ‘Helen’
Nakaalerto ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ng Pangasinan sa magiging epekto ng bagyong “Helen" na tumama sa kalupaan ng Isabela nitong Miyerkules ng madaling-araw. Sa ulat ni Joanne Ponsoy sa Balita Pilipinas Ngayon, sinabi nito na ilang residente sa barangay Palamis at Pugo sa Alaminos, Pangasinan ang lumikas sa kanilang mga bahay nitong Martes ng gabi pa lang. Ginawa ang maagap na paglikas dahil na rin sa pangamba na baka umapaw ang ilog sa kanilang lugar bunga ng malakas na buhos ng ulan na dala ng bagyo. Sa Sta Barbara, naging abala ang mga residente na alisin ang mga basura at iba pang kalat na bumabara sa daloy ng Marusay river para maiwasan ang pagbaha. Aabangan naman sa Huwebes ang pagbabalik ng mga mangingisda na sakay ng 20 bangka na pumalaot noong Lunes. Wala umanong nakataas na babala nitong Lunes kaya pumalaot pa rin ang mga mangingisda at inaasahang inabot ng masamang panahon sa dagat. Kasabay nito, inaasahan din na magpapatupad ng make-up class ang Department of Education sa mga paaralan sa Dagupan na patuloy na walang pasok dahil lubog pa rin sa baha o kaya naman ay ginagamit na evacuation center. - FRJ, GMA News