Donghae at Siwon, hindi makapaniwala sa suportang binibigay ng Pinoy fans
Hindi makapaniwala ang Korean Pop stars na sina Lee Donghae at Choi Siwon ng grupong Super Junior sa suportang ibinigay sa kanila ng mga fans sa Pilipinas. Sa kanilang “meet and greet" na ginanap sa activity hall ng Trinoma noong Miyerkules, hindi magkamayaw ang kanilang mga tagasuporta na dumagsa sa naturang mall sa Quezon City. Sa ulat ni Lhar Santiago sa Chika Minute ng 24 Oras, maaga pa lang ay dumagsa na sa naturang venue ang mga fans dala-dala ang mga ticket na nakuha sa pagbili ng mga produkto sa isang clothing line na iniindorso nina Siwon at Donghae. Pagsapit ng 5:00 p.m., hinikayat ng host sa naturang event ang mga tagahanga na i-chant ang "SiHae", ang pinagsamang pangalan nina Siwon at Donghae, upang salubungin ang pagdating ng dalawa. Sa naturang meet and greet, paulit-ulit na naghiyawan ang mga fans ng "Saranghae" na ang ibig sabihin ay "love you". Samantala, bumati at nagpasalamat din ang dalawa sa kanilang fans na walang tigil sa pagtili. Sa pamamagitan ng interpreter, pinagbigyan din ang ilang katanungan na sinagot naman ng dalawang KPop stars. Nabanggit ni Donghae na nais niyang makasama ang kanyang mga fans sa Boracay na dahilan para lalo namang lumakas ang sigawan ng mga tao. - Mac Macapendeg/FRJ, GMA News