Pagnanakaw sa Pasay mall, nakaapekto sa operasyon ng MRT Taft station
Pansamantalang tumigil ng ilang minuto ang operasyon ng Metro Rail Transit (MRT-3) nitong Huwebes ng hapon matapos maganap ang attempted robbery-holdup sa isang mall sa Pasay City. Dahil sa insidente, nagkaroon ng mabilisang "stampede" ng mga tao mula sa mall, na nagresulta sa pagkasugat ng isang babae habang paakyat sa hagdanan ng Metro Rail Transit. "Na-stampede ako, nasagasaan ako. Hindi ko na alam ano ang nangyari sa akin," ayon sa sugatang babae sa panayam ng dzBB radio. Bumalik ang operasyon ng MRT bandang 4 ng hapon, inihayag ni Light Rail Transit Authority spokesman Hernando Cabrera. Naganap ang insidente lagpas 3 ng hapon sa Metropolitan Mall sa kanto ng EDSA at Taft Avenue, kung saan matatagpuan ang estasyon ng LRT-1 at MRT-3. Sa inisyal na tweet ng Metropolitan Manila Development Authority, robbery-holdup umano ang naganap na insidente, kung saan nagtagpo ang mga pulis at media. Sinara ng Pasay City police ang mall at ang tulay na nagkakabit sa LRT at MRT. Ayon sa ulat ng dzBB, target ng mga magnanakaw ang sanglaan sa loob ng mall. Nakulong ang ilang mga empleyado sa loob ng mall sapagkat ipinagbawal sa kanila ang lumabas habang iniinspeksyon ng mga pulis ang tindahan sa loob ng gusali sakaling nagtatago ang mga magnanakaw doon. Ayon kay Cabrera, habang hindi naganap ang pamamaril sa LRT o MRT station, apektado umano ang "passenger mobility" sa lugar. "May pumuputok pa so stop entry and exit sa station for safety and security reason," ani Cabrera nitong 3:43 ng hapon. Sa kabila nito, ang MRT-3 Taft station lamang apektado, habang ang LRT-1 station ay hindi. Ayon sa ulat ng dzBB, isinara ang tulay patungong Metropoint Mall. Ayon kay Cabrera, isinuspinde ang operasyon ng MRT-3, ngunit sa Taft Avenue station lamang. "MRT3 Taft Station operation was affected [but] LRT1 EDSA Station [is] secured and operating," aniya. - Amanda Fernandez/BM, GMA News