GMA News Online Ulat Filipino » Balitang Pinoy » Olympics 2012

Tiyansa ng gintong medalya sa Olympics, mas malakas daw kapag naitatag ang Dept. of Sports

August 16, 2012 11:36pm
Kasabay ng pagbibigay pugay sa mga atletang Pinoy na sumabak sa katatapos na 2012 London Olympics, nanawagan ang isang kongresista na suportahan ang panukalang batas na lilikha sa Department of Sports.

Ayon kay Puwersa ng Bayaning Atleta (PBA) party-list Rep. Mark Sambar, kahit walang naiuwing medalya, dapat ikarangal ang 11 atletang Pinoy na kumatawan sa Pilipinas sa prestihiyosong palaro na ginanap sa London kamakain.

"We are proud of them and that just participating in the Olympics is already a great honor and that we should properly harness the talents of our athletes now so we can prepare them for the future," ayon sa kongresista.

Ang mga Pinoy Olympians ay binuo nina Mark Anthony Barriga (Boxing), Jasmine Alkhaldi (Swimming), Rene Herrera (Athletics), Marestella Torres (Athletics), Tomohiko Hoshina (Judo), Paul Brian Rosario (Shooting), Daniel Caluag (Cycling), Hidilyn Diaz (Weight lifting), Rachel Ann Cabral (Archery), Mark Javier (Archery) at Jhessie Khing Lacuna (Swimming).

Naniniwala si Sambar na makakahakot ng medalya ang mga ipadadalang Pinoy sa susunod na Olympics na gaganapin sa Brazil sa 2016 kapag tinapatan ng pamahalaan ang pagiging masigasig ng mga atleta.

Iginiit ng kongresista na ipasa ang House Bill 6390 na bubuwag sa Philippine Sports Commission (PSC) at ipapalit naman ang Department of Sports.

“Once the Department is established, sports would once again become an integral component of youth development, a galvanizing force for national unity and a source of national pride," paliwanag ni Sambar.

Sinabi ng mambabatas na ang kakaunting manlalaro na ipinadala ng Pilipinas sa London Olympics (na umabot lang sa 11) ay palatandaan na napapabayaan ang sektor ng palakasan sa bansa.

Taong 1990 nang itatag ang PSC sa ilalim ng Republic Act 6847 upang maging pangunahing ahensiya na namamahala sa pagpapaunlad ng palakasan sa bansa.

Pagkaraan ng 21 taon, sinabi ni Sambar na hindi nagkaroon ng katuparan ang tungkulin na iniatang sa PSC.

Sa pamamagitan ng DoS, naniniwala si Sambar na mabibigyan ng panibagong pag-asa ang sektor ng palakasan sa bansa na kapapalooban din ng paghubog sa mga kabataan at bagong sibol na manlalaro na mabibigay ng karangal sa mga Filipino.– RP/FRJ, GMA News