ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Prosecutors sa kaso ni Ecleo natuwa sa pagtaas ng pabuya vs 'high-profile fugitives'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Ikinatuwa ng mga prosecutor sa kaso laban kay pinatalsik na Dinagat Representative Ruben Ecleo ang hakbang ng Pangulong Benigno Aquino III na taasan ang reward money para sa  agarang pagkadakip ng "high-profile wanted persons" kung saan kasama na dito ang dating mambabatas. Sa ulat ni Orchids Lapingcao ng RGMA-Cebu sa dzBB, sinabi ni Atty Fritz Quinanola na masaya sila na tinaasan ang reward money dahil isa ito sa paraan para agarang madakip ang kongresista, at iba pang wanted persons. Isa si Quinanola sa mga private prosecutors sa kasong murder laban kay Ecleo, na suspek sa pagpatay sa kanyang asawa. Si Ecleo ang itinuturong pumatay sa kanyang asawa na si Alona Bacolod sa bayan ng Dalaguete, Cebu, ilang taon na ang nakalilipas. Sinabi din sa ualt na pabor din ang iba pang prosecutors sa Cebu sa desisyon ng presidente na taasan ang reward money dahil makahikayat umano sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad para madakip ang mga katulad ni Ecleo, para mabigyan na ng hustisya ang mga biktima. Maliban sa pagiging kongresista, si Ecleo ay ang Supreme Master ng Philippine Benevolent Missionaries Association (PBMA), na itinatag ng kanyang namayapang ama sa isla ng Dinagat. May kinakaharap ding kasong graft and corruption si Ecleo bilang kongresista. Itinaas ni Pangulong Aquino hanggang P2 milyong ang pabuya para sa ikadarakip ng bawat isa sa mga tinaguriang "high-profile fugitives" na kinabibilangan nina  dating Maj. Gen. Jovito Palparan, dating Palawan Governor Joel Reyes, Coron Mayor Mario Reyes, at ang dalawang lider ng New People's Army (NPA) na sina Benito Tiamzon at George Madlos aka Ka Oris ng Mindanao. — LBG, GMA News