ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
MMDA: Hindi kami papa-areglo sa mga Carabuena
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Tiniyak ng Metro Manila Development Authority na hindi ito papayag na aregluhin na lamang ng isang nagwalang motorista ang kaso nitong nagmula sa pambubugbog sa isang traffic enforcer.
Ito ang pagtitiyak na ginawa ni MMDA chairman Francis Tolentino sa isang panayam sa radio dzBB.
Kinasuhan ng MMDA si Robert Blair Carabuena at ang kapatid nito dahil sa pambubugbog nila sa MMDA traffic enforcer na si Saturnino Fabros noong Agosto 11.
Huling-huli ng camera ng isang istasyon ng telebisyon kung paanong pinagmumura at pinagsasapok ni Carabuena ang traffic enforcer, habang hinhawakan naman ng kapatid ang balikat ni Fabros upang hindi makapalag.
Pangako rin ni Fabros na siya mismo ay hindi uurong sa kasong isinampa nila laban sa magkapatid na Carabuena.
Pansamantala nang sinuspinde na ng kumpanyang Philip Morris si Carabuena, na isang human resources (HR) executive doon.
Ayon sa Philip Morris, bagaman hindi naman daw naka-duty si Carabuena, minabuti pa rin nilang suspindihin siya habang gumugulong ang kaso.
“Hindi namin lulubayan ito. ... Tuloy ang kaso para magsilbing aral ito, hindi lang sa aming ahensya kundi sa nagtatrabaho at kahit sa motorista kahit mayaman wala silang karapatang manakit,” pagtitiyak ni Tolentino.
Dagdag pa ni Tolentino, inaayos na rin nila ang promosyon ni Fabros dahil sa ipinakita nitong dedikasyon sa trabaho at ang lamig ng ulo kahit binubulyawan na ito ng magkapatid na Carabuena.
Samantala, hiniling na rin ng MMDA sa Land Transportation Office na kanselahin na nito ang lisensiya ni Carabuena dahil hindi raw nararapat sa kalsada ang mga maiiniting ulo tulad ni Carabuena.
Ililipat naman ng puwesto pansamantala si Fabros, palayo sa Tandang Sora, kung saan naganap ang insidente.
Pinayagan na rin ng MMDA na mag-leave with pay si Fabros upang maka-recober sa nangyari. Si Fabros ay balo na may anim na anak na puro mga babae.
Sa kanyang Twitter account, sinabi ni Tolentino na hindi dapat pamarisan ang ginawa ng magkapatid na Carabuena kay Fabros dahil tumutupad lamang ang traffic enforcer sa tungkulin nito sa bayan.
“Mr. Fabros was just doing his job dutifully as a traffic enforcer. The actions of Mr. Robert Blair Carabuena showed total disregard for a person of authority and a blatant disrespect for the law,” sabi ni Tolentino.
“A public apology is demanded from Mr. Carabuena, not only for Mr. Fabros, but for the entire Authority, which he unjustly and intentionally offended,” dagdag niya. — DVM, GMA News
More Videos
Most Popular