Kapatid ni Robredo kasama na ni Pnoy sa Masbate para sa rescue ops
Dumating sa Masbate City ang nakakatandang kapatid ni Department of Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo, at sumama sumama sa grupo ni Pangulong Benigno Aquino III sa command post ng search and rescue operations na nasa Lasala Beach Resort. Sa ulat ni Tuesday Niu sa dzBB, dumating galing Naga City si Butch Robredo. Ayon sa report, nabigyan na ng briefing ng Pangulo si Butch tungkol sa nangyari at sa kasalukuyang ginawang search and rescue operation para sa kalihim at sa dalawa pang kasama sa bumagsak na Piper Seneca sa karagatan ng Masbate hapon ng Sabado. Naunang dumating sa Masbate City ang Pangulo madaling araw ng Linggo kung saan napuntahan na niya ang crash site at nakausap na rin niya ang nakaligtas na aide-de-camp ni Secretary Robredo na si Police Senior Inspector Jhun Abrasado. Kasama ng Pangulo na pumunta sa Masbate City ang iilang mga miyembro ng kanyang Gabinete, kabilang na si Philippine National Police (PNP) Director General Nicanor Bartolome. — LBG, GMA News