GMA News Online Ulat Filipino » Bicol » Jesse Robredo

Archbishop Cruz, hanga sa integridad ni Robredo

August 19, 2012 4:03pm

Habang padami ng padami ang mga nagdadasal at umaasa na sana buhay pa si Department of Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo, bumuhos naman ang mga pagkilala sa kanya, kagaya na lang ng pagpuri ni Lingayen Archbishop Emiritus Oscar Cruz sa kalihim.

Sa panayam sa dzBB, sinabi ni Cruz na: "Pambihira ang rectitude (pagiging matuwid) at integrity ng mamang yan."

Papasok na sa 24 oras ang paghahanap kay Robredo at ang dalawa pa niyang mga kasama na hanggang ngayon ay missing pa rin matapos bumagsak ang sinasakyan nilang maliit na eroplano sa karagatan ng Masbate Sabado ng hapon.

Galing sa Mactan Island sa Cebu ang eroplano at papunta sana ito sa Naga City sa Bicol ng biglang nagkaproblema ang makina nito at bumagsak sa dagat malapit sa airport ng Masbate City.

Nakaligtas ang tauhan ni Robredo na si Police Senior Inspector Jhun Abrasado sa sakuna.

Mismong si Pangulong Benigno Aquino III na ang nangunguna sa pinaigting na search and rescue operations.

Napaulat din na ayaw umalis ng Pangulo sa Masbate at gusto niyang doon na rin magpalipas ng gabi para tutukan ang paghahanap kay Robredo at sa piloto ng eroplano na si Capt. Jessup Bahinting at ang Nepalese flying student na si Kshitiz Chand.

Nababahala na rin si Cruz at halos isang araw nang nawawala si Robredo at dalawa pang kasama nito.

" Sa tagal po na yan kung 4:30 (hapon ng Sabado), from that time bumagsak ang eroplano hanggang ngayon nakita lamang yung pakpak o yung lalagyan ng gasolina... who knows we can pray and hope for the best," ayon kay Cruz.

Si Robredo at si Cruz ay magksama sa grupong Krusada kung saan mula pa noong wala pa siya sa DILG ay aktibo na ito sa kampanya laban sa sugal, lalo na ang jueteng.

Sinabi ni Cruz na "malaking karangalan na nakilala ko siya (Robredo)."

"Yang mama na iyan (Robredo) ay wala kang maipipintas at talagang malinis. Kakaunti ang pulitikong ganyan. Nag-umpisa 'yan na batang-bata pa na mayor at katakot-takot ang kanyang awards at recognition. Ganyan kagaling ang mama," paglalarawan ni Cruz kay Robredo.

Naalala ni Cruz na noong kauupo pa lang ni Robredo sa DILG, nagpunta siya kasama ang ilang mga opisyal ng krusada sa opisina ng kalihim dahil gusto ng Obispo na bigyan si Robredo ng krusipiho.

"May nakagsabi sa akin na wala daw siyang (Robredo) krusipiho," ayon sa Obispo.

Naalala pa ni Cruz na may mga panahon na nag-uusap sila ni Robredo at inamin ng kalihim sa kanya na nahihirapan na siya sa pagsugpo sa Jueteng.

"On the campaign against jueteng... talo po kami. Hindi kami manalo. Hirap kalabanin yung pera," sabi ni Cruz. — LBG, GMA News



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus
advertisement

Talk of the web

advertisement
advertisement