ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Paghahanap kay Robredo at 2 pa, lalo pang pinaigting
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Sa ikalawang magkasunod na umaga, isinagawa ang search operations kay Interior Secretary Jesse Robredo at dalawa pa niyang kasamahan sa Masbate nitong Lunes ng umaga.
Ayon kay Transportation Secretary Manuel Roxas II sa kanyang Twitter account nitong Lunes ng umaga, ibabase ang search pattern para sa araw na ito mula sa sonar searches noong Linggo ng gabi.
Dagdag niya, nagsagawa ng flyby passes ang isang US plane na may forward-looking infrared (FLIR) sa lugar.
Sa gitna ng mahigpit na seguridad, nagtipun-tipon nitong Lunes ng 5 ng umaga ang search teams sa isang beach resort, na kanilang ginamit bilang command center, ayon sa ulat ni Benjie Liwanag ng radio dzBB.
Maliban sa mga diver mula Philippine National Police, Philippine Coast Guard, at Philippine Army, sumama rin ang ilang professional divers mula Bicol upang tumulong sa paghahanap sa tatlo.
Maliban kay Robredo, pinaghahanap din sina veteran pilot at flight instructor Jessup Bahinting at ang kanyang Nepali co-pilot Kshitiz Chand. Si Bahinting ay ang chief executive officer ng Mactan-based aircraft rental company at flying school Aviatour, na nagmamay-ari sa eroplanong bumagsak. Ayon sa Facebook page ni Chand, nakapagtapos siya sa Aviatour Flight School noong 2011 at kinilala ang sarili bilang isang commercial pilot.
Underwater search plan
Nagtalaga na ang gobyerno ng mga technical divers at underwater search techniques na ginamit noong Mayo sa paghahanap sa nawalang Air Force trainer jet sa Mariveles, Bataan.
Ayon kay Jake Miranda, technical diver na pamilyar sa Mariveles search at ngayon sa Masbate, ginagamit nila ang side-scan sonar device upang kumuha ng mga imaheng mula sa ilang bahagi ng sea floor kung saan umano bumagsak ang eroplano.
Nang matukoy ang lokasyon ng eroplano, "then get the (geographical) coordinates, and bring down an ROV (Remotely Opreated Vehicle)," ani Miranda sa isang text message. "When we have video, technical divers will go down."
Sa ulat ni John Consulta ng GMA News nitong Lunes ng umaga, kasalakuyan pang inaabangan ang pagdating ng ROV mula sa ibang bansa.
Nakasakay ng Piper Seneca na eroplano si Robredo, ang kanyang aide na si Senior Inspector Jun Abrasado, Bahinting, at Chand patungong Naga mula sa Cebu nang bumagsak ito malapit sa Masbate nitong Sabado.
Nailigtas ng mga lokal na mangingisda si Abrasado, na humiling na makasama sa paghahanap kay Robredo.
Nasa Masbate na rin si Pangulong Aquino mula pa nitong Linggo upang personal na maasikaso ang search operations.
Nitong Linggo, narekober ng search teams ang flight plan ng eroplano, at pati na rin ang isang bahagi ng bumagsak na eroplano. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News
Tags: jesserobredo
More Videos
Most Popular