ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Palasyo: Normal na operasyon ng DILG, magpapatuloy
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Habang patuloy pa ang paghahanap kay Interior Secretary Jesse Robredo, inihayag ni presidential spokesman Edwin Lacierda nitong Lunes ng tanghali na magpapatuloy ang normal na operasyon ng DILG matapos ang long weekend. Kasalakuyan pang pinaghahanap si Robredo at ang dalawang piloto matapos bumagsak ang sinasakyang eroplano malapit sa Masbate noong Sabado.
"We assure the public that the normal operations of the Department of the Interior and Local Government, and its attached agencies, continue, and are unhampered by the ongoing rescue effort. The President will be making further announcements concerning the Department at the proper time," ani Lacierda.
Pinamumunuan ng DILG ang Philippine National Police, Bureau of Jail Management and Penology, at Bureau of Fire Protection.
Ayon kay Lacierda, kasalakuyang prayoridad ng mga awtoridad ang pagsasagawa ng search and rescue operations para kay Robredo at ang mga kasamahan niya.
Maliban kay Robredo, pinaghahanap din sina veteran pilot at flight instructor Jessup Bahinting at ang kanyang Nepali co-pilot Kshitiz Chand. Si Bahinting ay ang chief executive officer ng Mactan-based aircraft rental company at flying school Aviatour, na nagmamay-ari sa eroplanong bumagsak. Ayon sa Facebook page ni Chand, nakapagtapos siya sa Aviatour Flight School noong 2011 at kinilala ang sarili bilang isang commercial pilot.
Sa ngayon, nailigtas na ng mga mangingisda ang aide ni Robredo na si Senior Inspector Jun Abrasado, na humiling na makasama sa search operations.
Mas pinaigting ang paghahanap sa tatlo matapos dumating si Pangulong Benigno Aquino III sa Masbate noong Linggo upang personal na maasikaso ang search operations.
Samantala, sa hiwalay na ulat ng dzBB, inihayag ni DILG Undersecretary for Peace and Order Rico Puno na nakikipag-ugnayan pa siya sa grupo nina Robredo bago maganap ang pagbagsak.
Ayon sa ulat ng dzBB, nagpadala ng text message si Abrasado noong 3 ng hapon, at sinabing may sira umano ang propeller ng eroplanong kanilang sinasakyan.
Nagpadala siya ulit ng text message noong 4 ng hapon kung saan nakasaad ang kanilang planong magsagawa ng emergency landing.
Nang subukang tawagan ni Puno si Abrasado, hindi niya makausap si Robredo sapagkat kausap nito ang kanyang asawa, dagdag ng ulat.
Ngayong nawawala si Robredo, nakaramdam ng "pangungulila" ang mga emplayado ng DILG, ani Puno sa dzBB.
Sa kabila, patuloy pa ring umaasa si Puno na nananatiling buhay at maililigtas si Robredo. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News
Tags: jesserobredo, dilg
More Videos
Most Popular