PNoy, binisita ang pamilya ni Robredo sa Naga
Bumisita si Pangulong Benigno Aquino III sa pamilya ni Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo sa Camarines Sur ngayong Lunes ng hapon upang magbigay ng impormasyon tungkol sa isinasagawang search and rescue operations sa nawawalang opisyal ng Gabinete at ang dalawa niyang kasamahan matapos bumagsak ang eroplanong kanilang sinasakyan nitong Sabado. Inihayag ni Transportation Secretary Manuel "Mar" Roxas II sa kanyang Twitter account na panasamantalang iiwan ni Aquino ang rescue operations sa Masbate upang puntahan ang asawa ni Robredo na si Leni at ang iba pang kamag-anak ng opisyal. Nag-apela naman si Roxas na huwag mag-speculate sa pagbisita ni Aquino sa pamilya ni Robredo. “His [Aquino’s] trip does not indicate any new developments or information other than that he wants to personally brief the family on the ongoing efforts,” aniya. Dagdag ni Roxas, lilipad nang pabalik ng Manila si Aquino ngayong Lunes ng gabi upang mapaghandaan ang komemorasyon ng death anniversary ng kanyang ama, si dating Senator Benigno "Ninoy" Aquino Jr., sa Martes. Sumang-ayon naman si Butch Robredo, kapatid ng opisyal, sa panawagan ni Roxas. “Ang pakiusap naming talaga huwag mag-speculate. May mga tao pong nahihirapan,” kanyang inihayag sa hiwalay na panayam ng Balita Pilipinas ng GMA News TV. Kasalakuyan pang pinaghahanap si Robredo at ang kanyang mga kasamahan — ang beteranong pilotong si Jessup Bahinting at ang co-pilot niyang si Kshitiz Chand — matapos bumagsak ang kanilang sinasakyang Piper Seneca malapit sa Masbate City nitong Sabado ng 5 ng hapon nang magkaroon ng problema sa makina. Nakaligtas naman mula sa pagbagsak ang aide ni Robredo na si Senior Inspector Jun Abrasado. Nakalabas na rin siya sa mula sa isang ospital sa Masbate. Narekober naman ang ilang bahagi ng kanang wing ng eroplanong sinasakyan, at pati na rin ang flight plan ng eroplano, nitong Linggo. Ayon naman sa anak ni Robredo na si Aika, patuloy pa ring umaasa ang kanyang pamilya sa kaligtasan ng kanyang ama ngunit handa na umano sila sa anumang posibilidad. — Amanda Fernandez/BM, GMA News