GMA News Online
Pinoy Abroad
»
Kwentong Kapuso

Kwentong Kapuso: Isang liham sa yumaong minamahal

August 23, 2012 10:00am
Liham ito ni Allan Villar sa kanyang Auntie Sarah na tumayong "ama at ina" nilang magkakapatid nung pumanaw ang kanilang magulang.

Dear Auntie Sarah,
 
Natatandaan mo pa ba nuong bata pa kami, ako ung madalas magbunot ng buhok sa kilikili mo? Ako rin yung laging nagsusuot ng sinulid sa karayom tuwing tatahiin mo ang mga damit mong pamasok. Ikaw rin ang kasama ko nung ako'y tinuli sa ospital. Hinimatay pa nga ako nun e.
 
Ako rin ung madalas kumupit sa bag mo. Pambili ko ng coke o spanish bread. At sa tuwing may pabibili ka, laging kulang sukli. Ako ang madalas mong kasama sa tuwing mamimili ka ng gamit.
Ang saya ko nun. Nung nagcollege ako, ako ang iyong messenger.

Kaya naikot ko ang buong Kamaynilaan kasi madalas nilalakad ko lang para hindi ako maligaw at matipid ang pamasahe. Lagi ako sa opisina mo para maglunch or gumawa ng projects gamit ang typewriter mo. Nung gradweyting na ako alam kong wala kang budget kaya hindi na lang ako nagmartsa.

Ok lang po yun. Nung nagkatrabaho ako, nangako sayo na tutulong ako sa mga gastusin sa bahay, tulungan ang mga kapatid ko. Hindi kita binigo.

Nung nakagradweyt na ang lahat akala ko tapos na. Nagkasakit ka naman. Sayo naman ako nangako na ikaw naman ang tutulungan ko. Araw-araw lagi kong pinagdarasal ang kalusugan mo.

Kahit na nagsawa ka na sa kakainom ng gamot pinagagalitan kita kasi hindi ka sumusunod sa payo ng doktor. Tigas kasi ulo mo e. Hanggang sa dumating ang araw na ayaw mo na talaga. Sayang at di mo nakita ang apo mong si AR. Mahabang panahon tayong nagkasama. Sa lahat ng lungkot at ligaya.
 
Patawad kung nilisan kita para makipagsapalaran dito. Patawad kung hindi kita naalagaan ng lubos. Patawad kung hindi ko natupad yung request mo sakin. Patawad kung hindi ako nakauwi para makita kang muli.
 
Salamat sa lahat ng iyong pagmamahal, pag-aaruga at tulong. Salamat at nilikha ka ng Maykapal upang makapiling namin. Kung kilala ka lang ni Pope Benedict XVI baka ma-anoint kang saint. You deserve it. But you’re more than a saint. You are an angel.
 
Higit pa sa tunay na ina ang pagturing namin sa iyo. Ikaw ang haligi, ang ilaw at kaibigan ng ating tahanan. Ikaw ang nagtaguyod sa aming kinabukasan.

Hindi matutumbasan ng kahit anong yaman ang iyong kabutihan. Isinakripisyo mo ang iyong buong buhay para sa amin. Ikaw ang aming bayani, ang aming huwaran. Hinding-hindi ka namin makakalimutan. Ngayon, walang hanggang kaligayahan na ang iyong madarama. Balang araw magkikita tayong muli.
 
Paalam, Auntie Sarah.
 
Lubos na Nagmamahal,
Allan