Protégé artista aspirants, idinirek ni Brillante Mendoza; Maricel Soriano, naka-eksena pa
Dobleng suwerte ang naranasan ng natitirang aspirants ng Protégé: Battle for the Big Artista Break, nang idirek sila ng award winning director na si Brillante "Dante" Mendoza, at naka-eksena pa ang Diamond Star na si Maricel Soriano. Nangyari ito sa acting challenge ng mga aspirant ng artista search ng GMA 7 kung saan naging special celebrity guest si Maricel para sa ginawa nilang short films sa ilalim ng direksiyon ni Mendoza. Ayon sa batikang aktres, excited siyang makasama ang mga aspirant at bago umano ito sa mga nagawa na niya. Puring-puri ni Maria ang mga kalahok dahil very dedicated daw ang mga ito at naka-focus sa kanilang ginagawa. Sa husay ng mga aspirant, pinuri rin ni Maricel ang mga mentor ng Protégé na sina Phillip Salvador, Ricky Davao, Gina Alajar, Roderick Paulate at Jolina Magdangal. Samantala, challenge naman na itinuturing ng 62nd Cannes Film Festival Best Director na si Mendoza na igiya sa pag-arte ang mga Protégé contestant. "Challenging sa akin din kasi kakaiba ang ginagawa nila dun sa mga ginagawa ko. Gusto ko rin kung papaano maha-handle yung mga ganitong klase ng⦠halimbawa mga scene ng mga bata na character driven," aniya. Mapapanood ang de-kalibreng acting challenge ng Protégé contestants sa Linggo, August 26 sa GMA 7. -- FRJimenez, GMA News