'Reel Time' presents AHON
Halos 3 milyong Pilipino at mahigit 200 lungsod at bayan ang nasalanta ng nakaraang hagupit ng habagat. Tinatayang mahigit 600 milyong piso ang halaga ng nasirang imprastraktura at agrikultura. Pero anumang hagupit ng sakuna, nananatiling nakatayo ang Pilipino. Kasagsagan ng ulan at pagtaas ng tubig sa Tullahan River, pinili pa ring suungin ito ng 29-taong gulang na si Empong Ibanez para maghanapbuhay. At ang pagkakaton, sinukat ang kabayanihan ni Empong. Isang babae ang kanyang iniligtas mula sa rumaragasang baha. Pero sa gitna ng kanyang pagtulong, siya ang tinangay ng baha. Matapos ang disgrasya, idineklara na nawawala si Empong. Mahigit 80 buhay ang kinitil ng nagdaang habagat. Animnapu't dalawa sa mga ito, nalunod. Umabot rin sa halos tatlong libong kabahayan ang nawasak. Kabilang sa mga ito ang bahay ng pamilya ni Emma Diaz. Walang ibang mapuntahan, sa gilid na ngTullahan River nabuo at lumaki ang kanyang pitong anak. Sa mga tulad ni Emma na kabilang sa humigit kumulang 100,000 illegal settler sa Metro Manila, nakasanayan na nila ang buhay sa tabi ng ilog, umaraw o bumagyo man. Pero noong panahon ng habagat, tila nilamon ng nagngangalit na baha ang kanilang tahanan. Kung tutuusin, kada taon, humigit kumulang 20 bagyo ang dumadaan sa Pilipinas. Sa kabila nito, nananatiling nakatayo ang Pilipino, sigaw ang pagbangon. Dahil salantain man ng anumang sama ng panahon, walang pagod tayong aahon. Mahanap pa kaya si Empong ng mga taong naghihintay sa kanya? Mananatili pa rin kaya sa tabing ilog sina Emma? Tunghayan ang kwento ng kanilang pag-ahon ngayong Linggo sa Reel Time, 10:00 ng gabi sa GMA News TV.