Derrick Monasterio at Barbie Forteza, mas makakapagbonding dahil extended ang Luna Blanca
Mas mahaba na raw ang bonding time ng mga Tween star na sina Barbie Forteza at Derrick Monasterio ngayong extended ang ikalawang yugto ng multi-generational drama soap opera na Luna Blanca. Ayon sa dalawang tween star, mas makakapag-usap na raw sila at makakapag-heart to heart talk ngayong extended ang kanilang primetime series. "Heart to heart talk... mga ganun; labasan ng samaan ng loob. Kaya ngayon ‘yon yung pinag-uusapan namin, 'yong marami kaming alam sa isa't-isa na nabuo," ayon sa binata. Tinuruan din daw ni Derrick si Barbie na mas maging positibo sa buhay at mas maging kalog. "Kahit si Mama, napansin 'yon na kapag kasama ko si Derrick, parang nawawala 'yong pagkababae ko, na parang napakaharot ko na," pabirong sabi ni Barbie. Kasabay nito, inamin naman ni Barbie na paminsan ay nami-miss niya ang dating ka-love team na si Joshua Dionisio na matagal din niyang nakasama sa ibang palabas. Samantala, edukasyon naman at kontra droga ang mga programang nais isulong ni Derrick ngayong hinirang siya bilang Youth Ambassador ng National Youth Commission kamakailan. "Mag-aral kayo ng mabuti kasi ‘yon youg pinaka… parang key niyo sa success. Kami, pinipilit namin dalawa ni Barbie kahit na nagsu-showbiz kami, nag-aaral po kami dahil kailangan po namin ‘yon," payo ni Derrick. - Mac Macapendeg/FRJ, GMA News