GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy
»
Jesse Robredo

PNoy: Ipinakita ni Sec. Robredo na pwedeng nagtagumpay sa pulitika nang hindi nagiging 'trapo'

August 28, 2012 4:58pm

Kasabay ng paghahatid sa huling hantungan, binigyan-diin ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III nitong Martes ang kadakilaan sa pagsisilbi sa bayan ng yumaong kalihim ng Interior and Local Government na si Secretary Jesse Robredo.

“Trailblazer po si Jesse sa tuwid na daan. Pinatunayan niyang puwedeng magtagumpay sa pulitika nang hindi nagiging trapo," pahayag ni Aquino sa kanyang eulogy, matapos ang Requiem Mass ni Robredo sa Basilica Minore de Nuestra Señora de Peñafrancia sa lungsod ng Naga nitong Martes.

Pinuri ng pangulo ang matagumpay na pamumuno ni Robredo, na makikita umano sa mga nagawa niya bilang alkalde ng Naga City at bilang DILG secretary.

“Namuno si Jesse sa pagpapatotoo ng mga teorya sa pamamahala na pinag-uusapan lang sa mga libro," ayon kay Aquino.

Naging matagumpay umano si Robredo bilang opisyal dahil sa kahusayan nitong hanapan ng solusyon ng mga problemang kinaharap niya.

“Kayo na po ang mamili–sa Bureau of Fire Protection, kung saan nakakuha siya ng mga fire truck na mas mura pero mas maganda ang kalidad at mas marami ang kakayahan; sa BJMP; sa PNP; pati na ang mga informal settlers. Maraming mga lumang problema na, sa tulong ni Jesse, sa wakas, ay nakikitaan na natin ng solusyon," kwento niya.

“Sayang po talaga," dagdag niya.

Sinabi ni Aquino na hindi sakim sa kapangyarihan si Robredo. Alam din umano ng yumaong kalihim ang kanyang kahinaan at limitasyon.

Bukod sa kanyang tagumpay sa pulitika, pinuri rin ng pangulo ang pagiging family man ni Robredo.

“Sagrado sa kanya ang oras kasama ang pamilya. Palagi siyang nagmamadaling makauwi sa Naga," sambit ni Aquino na naglarawan kay Robredo na isang bayani.

“Nasa hanay na po si Jesse ng mga bayaning sumusubaybay sa atin mula sa kalangitan, at nagbibigay-lakas sa atin upang ipagpatuloy ang kanilang mga mabuting gawain," aniya. Kaya’t huwag na po tayong lumuha. Sa halip, magpasalamat tayo. Sa maikling panahong narito siya sa mundo, tayo pa ang nabiyayaan ng pagkakataong makapiling si Jesse Manalastas Robredo."

Dagdag pa ng pangulo, pinagpala ang mga Pilipino na mapagsilbihan ni Robredo kahit sa maikling panahon.

“Mission accomplished na siya sa mundong ito," aniya. “Paalam Jesse, sa ngalan ng sambayanan, maraming maraming salamat."

Posthumous Philippine Legion of Honor

Iginawad din ng Pangulo kay Robredo ang posthumous Philippine Legion of Honor, na may ranggong Chief Commander sa biyuda ni Robredo na si Atty. Leni Robredo.

Maituturing pinakamataas ang naturang parangal na iginawad ng Pangulo kay Robredo para sa kanyang matagumpay na pamumuno sa DILG at mayor ng Naga City.

Ayon naman kay Gng Robredo, simple lamang at maprinsipyo ang kanyang pumanaw na mister. Hindi rin daw ito mahilig sa mga materyal na bagay.

“If we could hear Jesse speak, I know he would be saying ‘sobra-sobra na ito,’" pahayag ni Leni matapos tanggapin ang parangal.

Ayaw umano ng kalihim na gumastos na mahigit sa kakayahan ng kanyang pamilya.

Naging "grounded" din umano ang kanyang asawa dahil sa patuloy nitong pagbisita sa Naga City.

Wala raw itong ibang hangad kundi ang magpamana sa kanyang mga anak ng malinis na pangalan.

“I will not say goodbye, because I know you will never leave us," ani Gng Robredo sa kanyang talumpati. “We will love you forever."

Matapos ang pagbibigay ng parangal at misa, dadalhin ang mga labi ni Robredo sa isang puninarya para sa cremation nito.

Nagkaroon naman ng departure honors at 19-gun salute sa Basilica na isinagawa ng Armed Forces of the Philippines, habang pinapatugtog ang Lupang Hinirang.

Sa isinagawang prusisyon, kasama ang banda at platoons ng AFP at Philippine National Police, inihatid ang mga labi ni Robredo sa Funeraria Imperial.

Pagtatapos ng seremonya, kukunin at ititiklop ng PNP at AFP casket bearers ang watawat ng Pilipinas mula sa kabaong ni Robredo.

Ibibigay nila ito kay Aquino, at ang pangulo naman ang mag-aabot ng watawat kay Gng. Robredo.

Pumanaw si Robredo at dalawa nitong piloto matapos bumagsak sa karagatan ng Masbate ang sinasakyan nilang Piper Seneca plane noong Agosto 18. Natagpuan ang mga labi ng kalihim nong Agosto 21, ang araw ng paggunita rin sa kamatayan ni dating Sen. Ninoy Aquino Jr., ama ni PNoy. (Basahin: Agosto rin nang masawi ang DILG Secretary ni Cory Aquino)

Maliban sa kanya, pumanaw rin ang dalawang piloto ng eroplano matapos ang trahedya. Tanging ang aide lamang ni Robredo ang nakaligtas. - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News
Go to comments




We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus
advertisement
advertisement
advertisement