Operasyon ni Zsa Zsa Padilla, naging matagumpay, ayon sa anak
Naging matagumpay ang isinagawang Laparoscopic surgery sa Divine Diva na si Zsa Zsa Padilla sa United States, ayon sa kanyang anak na si Zia Quizon. Sa kanyang official Twitter account, sinabi ni Zia na, "Surgery was a success! As far as the doctors could tell it has not spread anywhere else. Thank you everyone for your prayers and support. Kasama ni Zsa Zsa na nagpunta sa US ang kanyang anak na si Zia at kaibigang si Dra. Vicki Belo. Ginawa nila ito upang humingi noon ng pangalawang opinyon sa polyp na tumubo sa bato ng mang-aawit. Nagpatingin si Zsa Zsa sa Cedars-Sinai Medical Center at doon ay sinuri siya ni Dr. Larry Froch, na naging duktor din ng pumanaw na comedy king na si Dolphy. Sa naturang pagsusuri, nalamang Stage 1 ang kidney cancer ni Zsa Zsa. Bukod kay Zia nasa ospital din ang isa pang anak ni Zsa Zsa na si Krylle. Sa kabila ng panibagong pagsubok sa buhay mula nang pumanaw si Dolphy, sinabi ni Dra Vicki na nagpakita pa rin ng katatagan ang kanyang kaibigang si Zsa Zsa. - Mac Macapendeg/FRJ, GMA News