Robredo, naihatid na sa kanyang huling hantungan sa Naga City
Sa kabila ng pagtanggi ng pamilya na mailibing si yumaong Interior Secretary Jesse Robredo sa Libingan ng mga Bayani sa Maynila, ipinagdiwang pa rin ang kanyang pagiging bayani nang ihatid ang pinakamamahal na dating mayor ng Naga sa kanyang huling hantungan sa bayan niya nitong Martes ng hapon. Sa eulogy sa state funeral na dinaluhan ng libo-libong tagasuporta, pinuri ni Pangulong Benigno Aquino III ang kadakilaan sa pagsisilbi sa bayan ng yumaong kalihim. Nakuha ng pamilya ni Robredo ang kanyang mga abo mula sa Funeraria Imperial dakung 5:52 ng hapon noong Martes, kasama sa mga abo ng labi ang mga escort mula Philippine National Police, ayon sa ulat ni Allan Gatus sa radio dzBB. Agad naman silang dumiretso sa Eternal Gardens Memorial Park, kung saan sila sinalubong ng mga tagasuporta, upang tulyan nang ihatid sa huling hantungan ang mga labi ng yumaong opisyal. Kampeon ng mga mahihirap Matapos ang Misa, nagbigay ng 15-minutong eulogy si Pangulong Benigno Aquino III para kay Robredo, kung saan kanyang pinuri ang yumaong kalihim sa kanyang pagtatagumpay sa politiko na hindi nagiging traditional politician o "trapo." “Namuno si Jesse sa pagpapa-totoo ng mga teyorya sa pamamahala na pinag-uusapan lang sa mga libro,” ani Aquino. “Sayang po talaga,” aniya. Dagdag pa ng Pangulo, pinagpala ang mga Pilipino na mapagsilbihan ni Robredo kahit sa maikling panahon. “Mission accomplished na siya sa mundong ito,” aniya. Ginawaran din ng Pangulo ng posthumous na Philippine Legion of Honor si Robredo. Pagpugay para kay 'Pogi' Matapos sa seremonya sa simbahan at depature honors ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na kinabilangan ng 19-gun salute, dinala ang mga labi ni Robredo sa Funeraria Imperial para sa cremation. Nagpakawala ng mga lobo matapos ipinatugtog ang Pambansang Awit ng Pilipinas. Nakapila rin ang mga tagasuporta sa kalsada at sumisigaw ng "Pogi! Pogi!" -- ang tawag kay Robredo sa Naga City -- nang dumaan ang karo. Naging mahigpit din ang seguridad sa rutang dinaanan ng karo sa pagitan ng basilica at crematorium. Ipinagbawal ang media na makalapit sa pamilya ni Robredo o sa Pangulo, ayon sa hiwalay na ulat ni Tuesday Niu ng radio dzBB. Pumanaw si Robredo noong Agosto 18, nang bumagsak malapit sa Masbate ang Piper Seneca plane na kanyang sinasakyan kasama ang tatlo pang iba mula Cebu City patungo sanang Naga. Pumanaw rin sa pagkabagsak ang dalawang piloto. Tanging ang aide-de-camp lamang ni Robredo ang nakaligtas. Noong nakaraang Linggo, inihayag ng byuda ni Robredo na si Leni na i-cremate ang mga labi ng kanyang asawa, alinsunod sa kahilingan ni Robredo. Sa kabila nito, naghanda pa rin ng libingan para sa yumaong opisyal upang mabisita siya ng mga residente ng Naga. Mayroong tatlong anak na babae ang mag-asawa. Naging Mayor ng Naga si Robredo, awardee ng Ramon Magsaysay ng 19 taon. Hinirang siyang kalihim ng Department of the Interior and Local Government Secretary noong Hulyo 2010, ngunit hindi siya nakumpirma ng Commission on Appointments. — Mandy Fernandez /LBG, GMA News