GMA News Online Showbiz » Chika Minute

Kris Aquino, idol ng bunsong anak ni Sec. Robredo na si Jillian

August 29, 2012 4:56pm

Ibinisto ni Tricia Robredo, anak ng namayapang si Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo, na pangarap ng kanyang bunsong kapatid na si Jillian na sundan ang yapak ng TV host-actress na si Kris Aquino.

Ang pambibisto ni Tricia sa kanyang kapatid na si Jillian ay nagsilbing pampangiti sa mga taong nakidalamhati sa kanilang pamilya sa isinagawang eulogy para sa pumanaw nilang ama nitong Martes sa Naga City.

Kwento ni Tricia, nais din ng 12-anyos na si Jillian na maging artista. Ito umano ang edad nang pasukin ni Kris ang showbiz nang pumanaw naman ang ama nito na si dating senador Ninoy Aquino Jr. noong 1983.

"Si Jillian po kung alam ninyo, ang pinakabunso kong kapatid, gustong-gusto niyang mag-artista," sabi ni Tricia sa kanyang eulogy.



"Ilang oras matapos naming malaman na wala na si Papa, ano ang tinanong kay Mama. ‘Ma, ilang taon si Kris nang mamatay si Ninoy?’ patuloy niya. “Kasi raw baka pwede raw siyang maging Kris Aquino 'pag laki niya."

Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News TV’s State of the Nation nitong Martes ng gabi, sinabing mahilig sa sports at academics si Jillian.

Madalas din daw itong manalo sa swimming at math competitions.

Samantala, unang nakilala si Kris ng publiko dahil malimit siyang sumama sa mga rally nang panahon na nakakulong ang ama niya noong panahon ng Martial Law.

Nang pumanaw si Ninoy matapos barilin nang bumalik sa bansa noong 1983, pinasok ni Kris ang mundo ng showbiz.

Reaksiyon ni Kris

Nang makarating kay Kris ang naturang balita tungkol sa paghanga sa kanya ni Jillian, mapagkumbaba nitong tinanggap ang maging isang modelo ng bunsong anak ng pumanaw na kalihim.

Ayon kay Kris sa kanyang Twitter account, “My sister Viel just text me what Tricia Robredo said in her speech. I am HUMBLED by the honor of Jillian wanting to be like me when she grows up because like me she lost her Dad at 12 years old. Yes definitely- josh, bimb & I will reach out consistently."

Bukod sa pareho silang naulila sa ama sa murang edad, may isang bagay pa na namumukod-tanging pagkakapareho ng dalawa; ito ay ang pagkakaroon ng ama na tapat na nagsilbi sa bayan at minahal ng mga Pilipino. -- Mac Macapendeg/FRJ, GMA News