Pagsangla ng CCT card ng ilang beneficiaries, kinumpirma
Kinumpirma ng kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang sumbong ng isang kongresista na isinasangla ng ibang benipisaryo ng Conditional Cash Transfer (CCT) program ang kanilang mga card para makakuha kaagad ng pera mula sa mga nagpapautang. Sa pagharap ni DSWD Secretary Dinky Soliman sa Kamara de Representantes nitong Miyerkules para idipensa ang hinihingi nilang P56.2 bilyong budget sa 2013, inihayag ng opisyal na umabot na sa mahigit 7,000 CCT beneficiaries ang inalis nila sa listahan hanggang nitong Hunyo. Sa ilalim ng CCT program, nagbibigay ng buwanang pinansiyal na suporta ang pamahalaang Aquino sa mga itinuturing pinakamahihirap na pamilya sa bansa. Nais ng pamahalaan na palawakin pa ang sakop ng mga benipisaryo ng programa sa 2013 kaya pinalobo ang pondo nito sa P44 bilyon. Una rito, isiniwalat ni Occidental Mindoro Rep. Amelita Villarosa sa pagdinig ng House Committee on Appropriations, na isinasangla ng ilang benipisaryo sa kanyang distrito ang mga nakukuha nilang CCT card. âThe CCT cards are being pawned by the beneficiaries. The fathers are even getting lazy because they are very dependent on this program," puna ni Villarosa. Inamin naman ni Soliman ang naturang gawain ng ilang benipisaryo at tinutugunan na nila ang problema sa pamamagitan ng mas mahigpit na pagsala at pagmonitor sa mga nabibigyan ng ayuda ng gobyerno. Ayon sa kalihim, aalisin nila sa listahan ang mga benepisaryong napapatunayang nagsasangla ng kanilang CCT card ng hanggang tatlong ulit. âWhile we understand their plight, we highly discourage them from doing this. Otherwise, they will be delisted," pahayag ni Soliman. Sa 7,695 na inalis sa listahan ng mga benepisaryo, sinabi ni Soliman na 6,157 ang inalis dahil nadiskubre na hindi sila mahirap, habang 1,538 naman ang nadoble sa listahan. Ang P44 bilyon na alokasyon sa CCT program sa 2013 ay mas mataas ng 12 percent sa P39.4 bilyon na alokasyon ngayong taon. Nais ng pamahalaan na itaas sa 3.8 milyong pamilya ang makikinabang sa programa sa 2013, mula sa kasalukuyang 3.1 milyon. Sakop ng programa ang 17 rehiyon, 79 lalawigan, 138 lungsod at 1,261 munisipalidad na may mataas na bilang ng kahirapan. Pinakamarami ang nakakuha sa Region 5 (P252.9 milyon), sumunod ang Autonomous Region of Muslim Mindanao (P251.2 M) at Region 6 (P236.9-M). â RP/FRJ, GMA News