ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Puntod ni Robredo sa Naga, binisita ng pamilya, mga kababayan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Binisita ng miyembro ng pamilya at mga residente sa Naga City ang puntod ng yumaong Interior Secretary na si Jesse Robredo, isang araw matapos siyang ihatid sa huling hantungan. Binisita ng biyuda ni Robredo at tatlo nilang anak ang puntod ng kalihim sa Eternal Gardens Memorial Park nitong umaga ng Miyerkules. Ayon sa ulat ng dzBB radio, nanatili lamang ng 20 minuto ang pamilya. May ilan ding mga residente ang dumalaw sa puntod na mahigpit pa ring binabantayan ng mga pulis. Bago naging kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG), nagsilbi ring alkalde ng Naga si Robredo ng 19 na taon. Ayon sa ulat, inaasahan ng mga lokal na opisyal na patuloy na dadagsain ang puntod ni Robredo sa mga susunod na araw lalo na sa nalalapit na pagdiriwang ng Peñafrancia festival sa Setyembre. Kilalang deboto si Robredo sa Our Lady of Peñafrancia na nagsisilbing patron ng rehiyon ng Bicol para sa mga Katoliko. Pumanaw si Robredo nang bumagsak sa karagatan ng Masbate ang sinakyan niyang eroplano sa Cebu. Patungo na sana ang kalihim sa Naga City noong Agosto 18. Pumanaw din ang dalawang piloto ng eroplano, at tanging ang aide-de-camp lamang ni Robredo ang nakaligtas sa trahedya. Noong Martes, hinandugan ng state funeral si Robredo. Ginawaran din siya ni Pangulong Benigno Aquino III ng posthumous Philippine Legion of Honor, sa ranggo na Chief Commander. Ipina-cremate ang mga labi ni Robredo matapos ang state funeral. - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News