2 pulis patay, 3 iba pa sugatan sa ambush sa NCotabato
Dalawang pulis ang patay habang tatlong iba pa ang sugatan sa pananambang ng mga hihinalang miyembro ng New People's Army sa bayan ng Makilala, North Cotabato, dakong 9:30 ng umaga nitong Huwebes. Nasawi on-the-spot sina PO1 Raul Pablo at PO3 Rufino Sumugat, kapwa miyembro ng Higway Patrol Group (HPG) ng Philippine National Police, ayon kay Sr. Inspector Joyce Birrey, hepe ng Makilala PNP. Sugatan naman sina PO2 Ponciano Pakhiat, miyembro ng HPG, at ang dalawang sibilyang sina Jeremias Ranon, Jr. at Policarpio Villarica. Ayon kay Birrey, nagsagawa ng highway patrol operation ang HPG-Cotabato Huwebes ng umaga nang dumating ang umano'y mga rebelde sakay ng isang kotse. Dalawa sa mga umatake ay mga babae, ayon sa isa sa mga nakasaksi sa paangyayari. De-kalibreng armas din ang gamit ng mga rebelde, dagdag pa nito. Nakaganti pa umano ng putok ang mga pulis ngunit dahil sa dami ng mga umatake, nasukol sila. Agad na kinuha ng mga umano'y NPA ang tatlong armas ng mga pulis, kabilang na ang dalawang Armalite rifle at caliber-19mm pistol. Nadamay lamang ang dalawang sibilyang nakasakay sa motorsiklo na pinahinto ng mga pulis para sa isang inspection, ayon kay Birrey. Samantala, ikinalungkot naman ng Cotabato provincial government ang sinapit ng mga pulis at sibilyan. Agad namang ipinag-utos ng lokal na pamahalaan ang pagtugis sa mga umatakeng NPA. — may kasamang ulat si Mandy Fernandez /LBG, GMA News