2-taong gulang na lalaki sa Cebu, patay nang ihampas sa taxi
Isang dalawang taong gulang na lalaki ang brutal na pinatay nang ihampas sa nakaparadang taxi ng isang lalaki na hinihinalang nasa impluwensiya ng bawal na gamot sa Talisay, Cebu. Sa ulat ni Mark Anthony Bautista sa GMA News TV Balita Pilipinas Ngayon nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Jeffrey Abucejo Jr. Nadakip naman ang 35-anyos na suspek na isinuplong umano mismo ng kanyang mga kamag-anak. Lumitaw na kapitbahay ng biktima ang suspek. Ayon sa ulat, naglalaro lang umano ang bata sa labas ng bahay nang mapadaan ang suspek. Walang sabi-sabi, basta na lamang umano binitbit ng suspek ang bata at inihampas ito sa nakaparadang taxi. Hindi naman makapaniwala ang ama ng bata na sa isang kisapmata ay mawawala na ang kanyang anak. Napag-alaman naman na kalalabas lang sa rehabilitation center ang suspek dahil sa paggamit umano ng iligal na droga. Naniniwala ang mga kamag-anak ng suspek na lango ito sa droga nang gawin ang krimen. Sila man daw ay nais nitong saktan. Bukod sa paghampas sa bata sa taxi, kinagat din umano ng suspek ang biktima, ayon mismo sa kapatid ng suspek. Nangangamba rin ang mga nakadetine sa presinto para sa kanilang kaligtasan dahil sila man ay sinaktan umano ng suspek nang dalhin doon ng mga pulis. Isasailalim naman sa obserbasyon ang suspek para alamin kung may sakit ito sa pag-iisip. Hindi rin umano ito makausap, ayon sa ulat. - FRJ, GMA News