Pekeng PhilHealth card, ibinebenta raw sa Pangasinan
Arestado ang isang babae sa Calasiao, Pangasinan dahil sa pagbebenta umano ng mga pekeng PhilHealth card. Ayon sa ulat ng GMA news Balita Pilipinas Ngayon, isang biktima umano ng suspek ang nagsumbong sa mga pulis kaya ito nadakip. Nakumpirma raw ng biktima na peke ang ibinenta sa kanyang health card kaya nang muli siyang balikan ng suspek ay isinumbong na niya ito sa mga pulis. Mariin namang itinanggi ng suspek ang paratang laban sa kanya, habang magsasagawa naman ng sarili nilang imbestigasyon ang PhilHealth. Buwan ng Wika Samantala, idinaan naman ng mga mag-aaral sa Malasiqui, Pangasinan sa pagtula at pagsayaw ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika. Nagpagalingan ang mga bata sa pagtula gamit ang wikang Pilipino, at mayroon ding mga umindak sa saliw ng masayang tugtuging Pinoy. Kasabay ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika, binigyan halaga rin ng mga mag-aaral ang pangangalaga sa kalikasan. Sinabi ng mga guro na kailangang kasabay ng kaunlaran ng bansa ang pagngangalaga sa kalikasan. - FRJ, GMA News