Transport group sa Iloilo, naghain ng petisyon para sa fare hike
Naghain ng petisyon para sa dagdag singil sa pamasahe sa Land Transportation Franchising and Regulatroy Board (LTFRB) Region-VI ang transport group sa Iloilo City. Ang hiling ng transport group para sa fare increase ay bunga umano ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo. Sa report ni Melanie Ferrer ng RGMA-Iloilo sa DZBB, napag-alaman na umabot na sa P50 kada litro ng presyo ng krudo na mabibili sa mga gas stations sa lalawigan. Kaya naman hiniling ng Iloilo City Alliance of Jeepney Operators and Drivers Association (ICAJODA) ang dagdag na P.50 na singil sa pamasahe mula sa kasulukyang P7.50 na minimum fare para sa unang limang kilometro. Sinabi naman ni LTFRB Region VI Director Ruben Bernaldez na itinakda sa Septyembre 10 ang public hearing upang pakinggan ang hiling ng transport group. Ayon kay Bernaldez, ang transcript sa gagawing public hearing ay isusumite LTFRB Board sa central office upang maging basehan sa kanilang magiging desisyon. Sakaling maaprubahan ang hiling ng transport group, dadaanan umano sa probational authority ang gagawing fare hike. Magugunita na nagbaba ang ICAJODA ng singil sa pamasahe mula P8 sa P7.50. – MM/FRJ, GMA News