GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Mag-asawang nagmalupit daw sa kanilang kasambahay, ‘di pwedeng lumabas ng bansa

August 31, 2012 8:35pm
Nagpalabas ng hold-departure order (HDO) ang Quezon City court nitong Biyernes laban sa mag-asawang inakusahang nagmalupit sa kanilang kasambahay sa loob ng dalawang taon.

Ang HDO ay ipinalabas ni Judge Germano Legaspi ng QC Regional Trial Court Branch 77, batay na rin sa inihaing mosyon ng panig ng prosekusyon.

Sa isinagawang pagdinig ng korte, tinalakay din ang mosyon ng depensa na pinangunahan ni Atty. Jesus Fernandez, na ipawalang-bisa ang arrest warrant na ipinalabas laban sa mag-asawang Reynold at Annaliza Marzan

Nais ng depensa na magkaroon na muna ng preliminary investigation sa kaso at dito alamin kung may basehan ang alegasyon laban sa kanilang kliyente.

Hiniling naman sa korte nina Assistant City Prosecutor Irene Resurrecion at public prosecutor na si Ulrich Badiola na magpalabas ng HDO para hindi umano makatakas ang mga akusado.

Nanindigan din sila na dapat manatili ang arrest warrant dahil nakapagdesisyunan na ang korte na mayroong batayan ang reklamo laban sa mag-asawa.

Sa huli, nagpasya si Judge Legaspi na ibasura ang mosyon ng depensa.

Ang kaso laban sa mag-asawang Marzan ay nag-ugat sa alegasyon ng kanilang kasambahay na si Bonita Baran, na nabulag dahil sa pananakit umano ng kanyang mga amo.

Sa nakaraang panayam, itinanggi ng mag-asawa ang akusasyon. -FRJ, GMA News
Go to comments



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus