120 pamilya, inilikas matapos umapaw ang ilog sa Zamboanga City
Aabot sa 120 pamilya sa Zamboanga City ang sapilitang inilikas noong Sabado ng hapon dahil sa matinding ulan na nagdulot ng pag-apaw ng Curuan River, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council nitong Linggo. Ayon sa NDRRMC, umapaw ang ilog sa Barangay Curuan dakong alas-2 ng hapon. "There were seven sitios affected by the flood, [these are] Curuan Proper, Sitio Presa, Sitio Mina, Inner Presa, Sitio Camias, Poblacion Urban Poor and Sitio Basagan," ayon sa NDRRMC. Walang pang naiulat na nasawi sa insidente, ayon sa NDRMMC. Sa kabila nito, lima sa tirahan ng mga residente ang tuluyang nasira habang may dalawa naman ang napinsla. Matapos bumaba ang baha noong 4 ng hapon, nagpasya ang ilang mga residente na bumalik sa kani-kanilang mga bahay, ayon sa NDRRMC. Samantala, may ilang mga pamilyang piniling manatili muna sa bahay ng kanilang mga kamag-anak, habang may ilang nanatili sa Curuan Recreation Center. — Mandy Fernandez /LBG, GMA News