ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Phivolcs: Mahigit 350 aftershocks, naitala matapos ang lindol noong Biyernes sa Visayas


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Mahigit 350 aftershocks na ang naitala mula nang mayanig ng magnitude-7.6 na lindol ang Silangang Visayas noong Biyernes, inihayag ng National Disaster Risk Reduction and Management Council nitong Lunes.
 
Ayon kay Phivolcs director Renato Solidum Jr., nitong Lunes ng 3 a.m., 351 aftershocks na ang naitala, ngunit masyadong mahina ang karamihan sa mga ito.
 
"As of 3 a.m. mga 351 aftershocks (ang na-record natin). Karamihan maliit. Pambihira ang magnitude 5. Pero noong first hour may magnitude 6.8 at 6.4," pahayag ni Solidum sa panayam ng dzBB radio.
 
Dagdag niya, hindi naramdaman ang karamihan sa mga aftershock sapagkat masyado itong malayo mula sa lupa.
 
Naitalang Intensity VII ang naramdamang lindol noong Biyernes ng gabi sa Guiuan sa Silangang Samar at sa ilang bahagi ng Mindanao.
 
Sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, isa lamang ang namatay habang mahigit P12 milyong halaga ng mga ari-arian ang napinsala sa kasagsagan ng lindol.
 
Sa hiwalay namang ulat ni Allan Gatus sa dzBB, inihayag ng mga seismologist ng Phivolcs na maaaring tumagal ng ilang linggo ang mga aftershock.
 
Manatiling handa
 
Samantala, nanawagan si Solidum sa publiko na manatiling handa, sapagkat maaari umanong gumalaw pa ang iba pang bahagi ng Philippine Trench.
 
Ayon sa kanya, kailangang suriin ng mga residente ang kanilang pagiging handa at gawin nang quake-proof ang mga tirahan.
 
"May neighboring parts ang Philippine Trench na hindi pa gumagalaw. So ang mensahe natin dapat parating handa," aniya. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News