Ilang mambabatas: Mar Roxas, dapat bumitiw bilang pangulo ng LP bago umupo sa DILG
Dapat umanong magretiro si Manuel "Mar" Roxas bilang pangulo ng ruling Liberal Party (LP) bago siya umupo sa bago niyang poste sa Gabinete, ayon sa pahayag ng mga mambabatas na nais tumakbo sa senatorial posts sa susunod na eleksyon. Si Roxas ang hahaliling Kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG). Ayon kay San Juan Rep. Joseph Victor Ejercito, dapat bumitiw si Roxas sa pamumuno ng LP upang mapanatili ang integridad ng punong posisyon ng DILG, na nabakante ni Secretary Jesse Robredo na pumanaw nang bumagsak ang sinasakyang eroplano noong Agosto 18. “That will be ideal so that the fear of using the position of the secretary of interior and local government to strengthen LP’s build-up for the 2013 and 2016 elections will be erased,” ani Ejercito sa isang text message. Si Ejercito ang isa sa mga maaaring senatorial candidate ng United Nationalist Alliance (UNA), ang kalabang koalisyon ng LP sa eleksyon sa susunod na taon. Para naman sa kanyang bahagi, inihayag ni Bayan Muna party-list Rep. Teodoro Casiño na dapat ikonsidera ni Roxas ang pagbibitiw bilang pangulo ng LP upang mas magawa ng opisyal ang kanyang mga bagong tungkulin. “Mas makakatulong sa pagiging sekretarya niya kung magreresign nga siya. At least, magiging walang bahid ng pulitika ang bawat aksyon niya," ani Casiño sa hiwalay na panayam sa telepono. Sa kabila nito, desisyon pa rin ni Roxas kung mareretiro siya o hindi mula sa pamumuno ng LP. Isa rin si Casiño na maaaring tumakbo para sa senador na posisyon sa darating na 2013. Tatakbo siya sa ilalim ng Makabayan, ang koalisyon ng mga progresibong grupong party-list. Noong nakaraang linggo, hinirang ni Pangulong Benigno Aquino III si Roxas bilang bagong pinuno ng DILG nang pumanaw si Roxas. Pupunan naman ni Cavite Rep. Joseph Emilio Abaya, miyembro rin ng LP, ang kasalakuyang posisyon ni Roxas bilang pinuno ng Department of Transportation and Communications. 'Exercise objectivity' Samantala, inihayag naman ni House Majority Leader Neptali Gonzales II, miyembro ng LP, sa mga kritiko na bigyan muna ng pagkakataon si Roxas na manilbihan bilang pinuno ng DILG bago husgahgan ang kanyang pagtatrabaho bilang opisyal ng Gabinete. “I appeal to the critics to exercise objectivity… Let us not put any political color on this,” ani Gonzales sa isang text message. “I don’t think there is basis for that [call for resignation]. Parang sinabi mo ng dapat hindi rin humawak si Vice President [Jejomar] Binay ng posisyon sa kanyang political party,” dagdag niya. Si Binay ang pangulo ng Partido Demokratikong Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban), isa sa mga political party sa UNA coalition.— Amanda Fernandez/BM, GMA News