Jessica Sanchez, magtatanghal sa 2012 Democratic National Convention ni Obama
Magtatanghal ang American Idol Season 11 runner-up na si Jessica Sanchez sa 2012 Democratic National Convention sa Setyembre 4 (oras sa US). Ang naturang convention ay dadaluhan mismo ni US President Barack Obama. Ayon sa ulat ni Luane Dy sa Balitanghali nitong Lunes, excited na raw si Jessica na magtanghal sa naturang big event. Sa kanyang opisyal na Twitter account, sinabi ng may dugong Pinoy na mang-aawit na bagaman wala pa siya sa tamang edad upang bumoto, isang karangalan daw ang mapasama sa nasabing convention. "I might not be old enough to vote, but I'm so honored and excited to perform at @BarackObama's big party in Charlotte next week! #DNC2012," pahayag nito. Inaasahang ihahayag ni Obama sa naturang convention ang kanyang muling pagtakbo sa Presidential elections sa US ngayong taon. Samantala, pupunta rin si Jessica kasama ang iba pang AI Top 10 finalists sa Pilipinas sa darating na Setyembre 21 para sa "American Idol World Tour" na gaganapin sa Smart Araneta Coliseum. -- Mac Macapendeg/FRJ, GMA News