ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pagsugpo sa jueteng, dapat tutukan ni Mar Roxas, ayon kay Cruz


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Umaasa si Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz na bibigyan pansin ng bagong talagang pinuno ng Department of Interior and Local Government (DILG) na si Secretary Mar Roxas ang problema sa iligal na sugal na jueteng. Sa panayam ng Radyo Veritas kay Cruz nitong Martes, sinabi ng arsobispo na magiging malaking hamon kay Roxas ang katiwalian sa lokal na pamahalaan. Sinabing isa sa mga dahilan ng korupsiyon sa lokal na opisyal at maging sa hanay ng pulisya ay ang mga iligal na sugal katulad ng jueteng. “Ang pinakauna diyan at palagay ko ito rin ang pinakahuli, is the corruption in the local government level. Ang dami-daming korupsyon diyan from the mayor to the governor. At kapag sinabi nating korupsiyon lahat na kasama pati jueteng," paliwanag ng anti-gambling crusader na si Cruz. Idinagdag ng arsobispo na asahan na hindi magiging madali ang gagawing paglaban ni Roxas sa katiwalian sa lokal na pamahalaan at iligal na sugal dahil na rin sa balitang posibleng tumakbong pangulo sa 2016 elections ang kalihim. “Now how he will handle that corruption thing in the local government? It is very crucial dahil kahit anong sabihin mo mayroong repercussion ‘yan sa politics," ani Cruz, sabay panawagan sa publiko na bigyan ng pagkakataon si Roxas na patunayan kung ano ang magagawa nito sa DILG. Puno, handang makatrabaho si Roxas Samantala, inihayag naman ni DILG Undersecretary Rico Puno na handa siyang makipagtulungan kay Roxas sa sandaling maupo na ang huli bilang pinuno ng ahensiya. Si Puno ang namamahala sa peace and order matter ng DILG, bilang kahati sa tungkilin ng namayapang si DILG Sec. Jesse Robredo na nakatutok naman sa usapin ng local government. Kamakailan ay inihayag ni Roxas na binigyan umano siya ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III ng karapatan na balasahin ang DILG. Nais ni Roxas pamunuan ang buong ahensiya, pati na ang usapin ng peace and order. Sa kabila ng mga balitang posibleng ilipat ng ibang ahensiya si Puno, inamin niya sa media nang dumalo sa budget hearing sa Kamara de Representantes nitong Martes, na hindi niya tiyak kung mananatili siya sa DILG kapag naupo na si Roxas. Kasalukuyang pinamumunuan ni Executive Secretary Paquito Ochoa ang DILG habang hindi pa nakakalusot sa Commission on Appointments (CA) ang kumpirmasyon ni Roxas. -- MP/FRJ, GMA News

Tags: jueteng, roxas, dilg