GMA News Online Ulat Filipino » Talakayan

Ang pagbabalik ng 'Genghis Khan,' ang matagal nang nawawalang Filipino film classic

September 5, 2012 11:03pm
Nabuhay ang "Genghis Khan," at mapapanood uli ito. Una sa Venice, bago ito umuwi sa Pilipinas kung saan siya nilikha. 

Ang 1950 film classic ni Manuel Conde ay itinuturing isa sa mga kauna-unahang obra ng Pilipino na nakasali sa international film festival.

Genghis Khan sa 2012

Makalipas ng anim na dekada, muling mapapanood ang naturang pelikula sa 69th Venice Film Festival at sa ilang sinehan sa Pilipinas.

Mapapanood ito sa "The retrospective of the 69th Venice Film Festival." Ang pagpili ng mga ipinapalabas sa naturang festival ay nakabatay sa "rarity" o pagiging pambihira ng pelikula.

Maliban dito, mapapanood din ang obra ni Conde ngayong Setyembre sa mga cinema text ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) sa Manila, Iloilo, at Davao.

Restorasyon ng Genghis Khan

Sa panayam nina Howie Severino at Kara David ng GMA News TV’s News To Go kay Benedict "Bono" Olgado, direktor ng National Film Archive of the Philippines (NFAP), ikinuwento ng huli na hindi naging madali ang pagsalba nila sa pelikulang Genghis Khan.

"Matagal na ngang akala namin na nawala 'yong pelikula [Genghis Khan]. Tapos yung Venice International Film Festival, tumawag sila sa FDCP, kay chairman [Briccio] Santos para sabihing, 'gusto naming ipalabas ‘yong Ghengis Khan sa ‘Retrospective,'" kwento ni Olgado.

Dagdag niya, sa una ay hindi sila sigurado dahil walang print ng pelikula na matatagpuan sa Pilipinas. Makalipas ng naturang pag-uusap, tumawag muli ang Venice Film Festival sa kanila para sabihing nakita nila ang lata ng naturang pelikula sa kanilang archive.

Ngunit panandalian lamang ang magandang balita dahil napag-alaman na walang laman ang naturang latang nahanap.

"A few days after they called as back and said, 'We found the four wheels of the film," patuloy ni Olgado. “Pero ang problema ‘yong 3rd reels, sobrang sira na, wala ng picture. So problema na naman."

Gayunpaman, nagpatuloy ang NFAP sa paghanap ng reels at prints hanggang sa makakuha sila sa France at sa British Film Institute sa United Kingdom.

"At the same time, pumunta rin sila chairman sa US para hanapin ‘yong kaisa-isang print na may Filipino track na alam naming nasa California. So pumunta rin kami sa California para i-convince ‘yong may-ari nung print na ibalik para makatulong doon sa restoration," sabi niya.


(Published on Apr 5, 2012 by jotiv69)

Paglalakbay ng Genghis Khan

Sa parehong panayam, ikinuwento naman ni Jun Urbano, anak ng direktor at aktor na si Manuel Conde, ang tungkol sa "paglalakbay" ng pelikulang "Genghis Khan."

Ibinahagi nito na nakaroon ng paligsahan ang Philippine Herald, isang dyaryo, pagkatapos na magawa ang naturang pelikula.

Sumali ang director at aktor na si Conde, at nanalo. Isa sa mga premyong napanalunan nito ay trip to Hollywood.

"Dinala niya [Manuel Conde] yung pelikula sa Hollywood. Pagdating sa Hollywood, pinakita niya doon sa mga filmmaker," saad ni Urbano.

Dagdag pa niya, nagustuhan daw ito ng mga filmmaker at dinala sa isang film festival sa Venice, Italy.

Si Conde ay kabilang sa mga hinirang ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na National Artist noong 2009, na nakabinbin ngayon ang usapin sa Korte Suprema.

Ang iniwang marka ng "Genghis Khan"

"We are in a motion because you have to understand that the Philippines is the oldest film culture in Asia," pahayag ni Briccio Santos, FDCP chairman sa isang press conference.

Isa raw ito sa mga dahilan kung bakit lubos na isinusulong ng FDCP at NFAP ang pagsalba sa mga lumang pelikula na naipalabas sa bansa.

Maliban sa Genghis Khan, isinasalba na rin ng FDCP at NFAP ang pelikulang Maynila Sa Kuko ng Liwanag ni Mike de Leon.

Ayon naman kay Urbano, ang pelikulang Genghis Khan ay halimbawa sa pagsasalamin ng isang kalidad na pelikulang gawa ng Pilipino.

Dagdag pa niya, ang naturang pelikula ay pagbubunyi sa galing ng Pilipino bagaman napag-iwanan na tayo ngayon ng mga katabing bansa.

"Pinaka-importante rito ang sinasabi nating 'national identity.' Parte ng kultura natin ang pelikula, Philippine cinema is almost as old as our freedom as a country," wika ni Olgado. -- Mac Macapendeg/FRJ/HS, GMA News



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus