GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Gloria Arroyo, naghahanap ng 'alternatibong' solusyon sa kanyang sakit

September 6, 2012 3:16pm

Patuloy ang paghahanap ni dating Pangulo at kasalakuyang Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo ng alternatibong solusyon sa kanyang karamdaman na sanhi ng pagsugod sa kanya sa ospital noong nakaraang buwan.

Ayon kay Arroyo, bumisita siya nitong Huwebes sa dalawang "alternative medicine practitioners" at nakipag-usap din sa isang "neurocervical spine purist."
 
"This week I also saw two alternative medicine practitioners as part of my search for a second opinion while initiating my communication with a neurocervical spine purist who does repeat surgery daily, as recommended by Dr. (Roberto) Anastacio," inihayag niya sa kanyang Facebook account.

Dagdag niya, dumadalo siya sa kanyang thrice-weekly therapy sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa Quezon City at nitong Huwebes ang pinakahuli.

Hindi tinukoy ni Arroyo kung sinu-sinong mga alternatibong medicine practitioner o neurocervical spine purist ang kanyang kinonsulta.

Sumailalim si Arroyo sa isang treatment noong Agosto dahil sa kanyang "anatomic problem" na sanhi kung bakit siya nabulunan sa kanyang pagkain.

Noong Agosto 30, sa ulat ng dzBB, inihayag ng tagapagsalita ni Arroyo na si Elena Bautista-Horn na bumuti na ang kalagayan ng dating pinuno kaya maaari na niyang paminsan-minsang tanggalin ang neck brace at igalaw ang kanyang leeg upang tumibay ang muscles nito.

Sa kabila nito, ayon kay Horn, kinakailangan pa ring isuot ni Arroyo ang kanyang neck brace lalo na kung umaakyat ng hagdanan o kapag nasalabas siya ng bahay.

Pinasuot si Arroyo ng neck brace ng kanyang mga duktor matapos siyang dalhin sa St. Luke's Medical Center bunsod ng "pinched nerve" noong 2011.

Noong ika-2 ng Agosto, isinugod siya sa VMMC matapos siya mabulunan sa kinain niyang isang piraso na melon at "bacon-like" meat.

Pinayuhan lamang ni VMMC head Dr. Nona Legaspi si Arroyo na magpahinga sapagkat mukha umano itong dehydrated at "very weak" nang dalhin sa ospital.

Dagdag ni Legaspi, kinakailangan ding "pilitin" ni Arroyo na kumain.

Noong Hulyo, nakalabas ng VMMC si Arroyo matapos siyang payagan ng Pasay court na maghain ng P1-milyong piyansa sa electoral sabotage case na isinampa laban sa kanya.

Tumagal siya ng walong buwan sa ilalim ng hospital arrest mula noong Nob. 5 ng nakaraang taon, una sa St. Luke's Medical Center sa Taguig City, sunod sa VMMC simula noong Disyembre.

Maaari siyang maaresto muli kapag maghain ng arrest warrant ang Sandiganbayan para sa kinahaharap niyang kasong plunder kaugnay ang naganap na iregularidad sa Philippine Charity Sweepstakes Office. — Mandy Fernandez /LBG, GMA News




We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus