80-anyos na lola, nabiktima ng ‘Budol-budol’ gang sa Iloilo
Matapos makuha ang kalooban, ang pera at alahas naman ng isang 80-anyos na lola ang tinangay ng mga miyembro ng “Budol-budol" gang sa Iloilo. Sa ulat ng GMA News TVs Balita Pilipinas Ngayon nitong Huwebes, sinabing P16,000 cash at mga alahas na nagkakahalaga ng P200,000 ang nakuha ng grupo sa biktimang si Rufina Mombay. Kwento ni Mombay, isang babae ang nag-imbita sa kanya na sumakay sa loob ng isang van para makipagkwentuhan habang naglalakad sa kalye. Hindi umano nagtagal ay isang babae pa ang sumakay na tila kilala ang kanyang pamilya. Sa hindi niya maipaliwanag na dahilan, napag-usapan ang kanyang ATM card at napapayag siyang mag-withdraw ng halagang umabot sa P16,000. May ipinakita rin umano sa kanya na bugkos ng pera na ang naging kapalit ay ang kanyang mga alahas sa bahay. Nang makaalis ang mga suspek, saka lang nalaman ni Mombay na karaniwang papel lang ang ibinigay sa kanya na inakalang bugkos ng pera. Sa himpilan ng pulisya, nakita ni Mombay ang larawan ng isa sa mga suspek na napag-alaman na may nakaisyung arrest warrant sa Cebu. Nakilala rin ang driver ng van na si William Pascual matapos na maiwan nito ang isang identification card sa isang remittance center kung saan ipinadala ang cash na nakuha kay Mombay. -- FRJ, GMA News