ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kampo ni Arroyo, pinag-iinhibit si Sereno sa watch list order case sa SC


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Hihilingin ng kampo ni dating First Gentleman Jose Miguel Arroyo na mag-inhibit si Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa pagdinig ng Korte Suprema sa nakabiting kaso na kumukuwestiyon sa watch list order na ipinalabas laban sa dating unang ginoo at misis nitong si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Nakatakdang ihain ng mga abugado ni G. Arroyo na sina Atty. Ferdinand Topacio at Joselito Lomangaya, ang 13-pahinang petisyon ngayong Huwebes para hilingin kay Sereno na huwag makialam sa naturang kaso. "The Chief Justice has demonstrated bias and partiality towards the present administration, whose alter ego the Secretary of Justice is one of the respondents in this case, as shown by her voting record in previous cases," ayon sa kampo ni G. Arroyo. Ayon kay Topacio, ang ginawang pagtutol noon ni Sereno tungkol sa WLO case ay nagpapakita sa kanyang "inclination to favor the government." Iginiit ng kampo ng dating unang ginoo na nilabag ng kautusan ang Article III, Section 6 ng 1987 Konstitusyon, na nagsasaad tungkol sa kalayaan sa paglalakbay ng mga mamamayan. Pabor sa administrasyong Aquino? Maliban sa nakabiting kaso ng mag-asawang Arroyo sa SC, inihayag ni Topacio na may ilang pagkakataong nagpahiwatig si Sereno ng pagpabor sa administrasyong Aquino sa mga kaso. Ginawang halimbawa ni Topacio ang desisyon noong Abril 2012 ng SC tungkol sa pagtatakda ng presyo sa Hacienda Luisita sa Tarlac na pag-aari ng mga Cojuangco-Aquino. Bumoto pabor si Sereno na dapat gamitin ang mas mataas na 2006 rates sa just compensation na ibibigay sa mga may-ari ng lupa. Ang just compensation ay ang halagang dapat ibayad sa pamilyang Cojuangco-Aquino kaugnay sa gagawing pamamahagi ng lupain na sakop ng agrarian reform program na ibibigay sa mga benepisaryong magsasaka. “The Chief Justice has shown that in deciding cases, she has put personal predilections over and above the letter of the law, to the extent of locking horns with the majority. She thus shows that deficiency in the requisite objectivity that should suffuse all the official acts of a judge. If she is to serve her oath well, she has no recourse but to recuse herself; there is no other way," ani Topacio. Ayon pa kay Topacio, tinutulan din ni Sereno ang desisyon ng mayorya ng SC noong Nobyembre 2011 na payagan si Arroyo na makalabas ng bansa para makapagpagamot sa abroad. Batay sa desisyon ng mayorya ng mga mahistrado, maaaring lumabas ng bansa si Arroyo sa kondisyon na dapat nitong sundin ang tatlong itinakdang patakaran, na hindi naman nasunod ng kampo ni Arroyo. Sa naturang 7-6 vote, sumang-ayon ang high court na, “no need to explicitly state the legal effect on the TRO of the non-compliance by petitioners with condition number 2 of the earlier resolution." Isinama ni Sereno sa kanyang dissent ang mga detalye sa deliberasyon at botohan, na hindi madalas nagaganap sa high court. Hinamon din niya ang ponente ng desisyon—ang kanyang naging predecessor at natanggal bilang punong mahistrado na si Renato Corona—at ipinaliwanag na hindi umano naipakita sa resolusyon ang tunay na naganap sa en banc session. Ayon kay Topacio, ang paglabas ng mga confidential information ni Sereno kaugnay sa en deliberations, "prompted Mr. Justice [Roberto] Abad to remark in his concurring opinion that ‘if our deliberations cannot remain confidential, we might as well close down business.’" Patuloy ng abogado ni Arroyo, ipinakita rin ni Sereno ang kanyang pagiging bias sa administrasyong Aquino nang tutulan niya ang majority decision na nagdedeklarang ilegal ang Executive Order No. 1 na bumuo sa Truth Commission, na susuri sana sa mga alegasyon ng iregularidad sa administrasyong Arroyo. Ayon kay Topacio, naging lantaran din ang pagtutol si Sereno sa naging ruling majority na tungkol kay Corona—na kaalyado umano ni Arroyo at isinalang sa paglilitis ng Senate impeachment court. Isang halimbawa umano ay ang ginawang pagtutol ni Sereno ang desisyon ng SC na pigilan ang impeachment court na buksan ang dollar accounts ni Corona sa Philippine Savings Bank. Napatalsik si Corona dahil sa kanyang pagtatago ng P200 milyon sa ilang bank accounts. Sumulat din si Sereno ng "partly" dissenting opinion nang magdesisyon ang high court na bigyan ang mga prosecutor ng limitadong access sa mga dokumento ng korte. - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News